Advertisers
PINAALALAHANAN ng Office for Transportation Security (OTS) sa Dipolog Airport ang air traveling public international o domestic flights na huwag magdala ng sinasabing ‘anting-anting’ na gawa sa mga sangkap ng bala, may pulbura man o wala, lalo na nang walang kinakailangang lisensya o permit mula sa Philippine National Police.
Binigyang-diin ni OTS Administrator, Undersecretary Gilberto DC Cruz ,ang mga dalang ‘anting-anting’ ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa screening, lalo na sa kasagsagan ng holiday season matapos maharang ang isang papaalis na pasahero dahil sa pagkakaroon ng mga bala na nakakabit sa kanyang bewang.
Ayon sa ulat, habang nagsasagawa ng routine frisking procedure si Security Screening officer Alfie N. Rapliza, may napansin siyang kahina-hinalang bagay na nakakabit sa pantalon ng pasahero. Agad niyang tinawagan ang atensyon ni SSO Maria Ira L. Eguia, na humingi ng tulong sa mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP), na kalaunan ay kinumpirma na ang bagay mula sa pasahero ay isang basyo ng bala ng M-16 rifle.
Kasunod ng mga kinakailangang pamamaraan, ang nakumpiskang bagay ay itinurn-over sa PNP AVSEGROUP para sa tamang dokumentasyon, habang ang pasahero ay pinayagang makasakay sa eroplano patungo sa kanyang destinasyon. (JOJO SADIWA)