Advertisers

Advertisers

MALAKANYANG, BUTATA KAY ‘DADDY O’

0 105

Advertisers

UMALMA ang kinatawan ng Senior Citizens Partylist na si Congressman Rodolfo Ompong Ordanes kontra sa ipinalabas na Executive Order No. 96 s. 2025 na nilagdaan noong September 18, 2025 ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin.

Ipinunto ni Congressman Ordanes na kilala sa mga umpukan ng mga kabataan bilang si ‘Daddy O’ na hindi ubra na lusawin ang Republic Act sa pamamagitan ng kautusan ng Pangulo na kung tawagin ay Executive Order.

Ganito iyan, taumbayan. Ang higit sa lahat ng batas ng ating lipunan ay ang tinatawag na Konstitusyon o Saligang Batas na sinundan ng Republic Act na binalangkas sa dalawang Kapulungan ng Kongreso bago pirmahan ng Pangulo upang maging isang ganap na batas.

Ang susunod sa antas ng kapangyarihan ng Republic Act ay ang Executive Order na tanging ang Pangulo o ang kanyang kinatawan sa pamamagitan ng ‘By Authority of the President’ ang pumipirma upang maging batas.

Ganyan ang pagkakasunod-sunod ng antas ng kapangyarihan ng mga batas ng ating lipunan. Hindi ubra na humigit ang Republic Act sa itinatakda ng Konstitusyon kaya hindi rin ubra na humigit ang kapangyarihan ng Executive Order laban sa Republic Act.

Ang nakapagtataka lamang ay si Bersamin pa ang lumagda para sa Pangulo sa kabila nang ito ay maituturing na eksperto sa usapin ng batas dahil sa pagiging dati nitong Chief Justice ng Korte Suprema. Mapapaisip tuloy kung may ‘hidden political agenda’ [ba] sa usapin na ito kaya pumayag ang Bersamin.

Ito na ngayon ang nakitang problema ni ‘Daddy O’…. nilusaw daw ng EO 96 s.2025 ng Pangulo ang Republic Act 11350 na naging ganap na batas noong Hulyo 25, 2019 kaya nabuo ng National Commission on Senior Citizens (NCSC).

Lilipat ang mandato ng NCSC kasama na ang mga aktibidad at pihadong kasama na ang pondo nito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sangkatutak na ang mga programa pero nagawa pang idagdag ang serbisyo para sa mga nakatatanda.

Hindi na [nga] magkanda-ugaga ang DSWD sa mga programa nito ay may nakaisip pang ‘susultant’ ng Pangulo na ilipat ang mandato ng NCSC na nakatuon lamang sa mga pangangailangan ng Senior Citizens kaya mabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa kanilang hanay.

Kapag nailipat na sa DSWD ang mga programa ng NCSC ay pihadong maantala ang pagbibigay ng serbisyo sa mga nakatatanda gaya ng kanilang naranasan sa matagal na panahon hanggang sa naging batas ang Republic Act 11350. Ibig sabihin, tumanda ng paurong ang administrasyon?