Advertisers
BINIGYANG-LINAW ni Senador Erwin Tulfo nitong Miyerkules na ipinagbabawal ng panukalang 2026 General Appropriations Bill (GAB) ang presensya ng sinumang politiko sa pamamahagi ng tulong-pinansyal na ibinibigay ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Tulfo ang usaping ito sa bicameral conference ng panukalang batas na naglalaman ng P6.793-trilyong pambansang badyet para sa susunod na taon matapos tutulan ng ilang mambabatas ang paggamit ng ayuda ng gobyerno—lalo na ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS)—para sa pansariling pakinabang ng mga politiko.
“Ang akala po kasi, ipagpapatuloy natin ang lumang praktis na nakikita ang politiko, na ang politiko mismo ang nagbibigay. Sa special provision na ito, dapat wala po ang politiko roon. Maaari lang po naming utusan ang DSWD at ituro kung saan ang mga lugar na tinamaan ng kalamidad. Ang DSWD po ang pipili ng mga benepisyaryo,” ani Tulfo sa bicameral meeting.
Binanggit niya ang patakarang ipinatupad niya noong siya ay kalihim pa ng DSWD, na ipinagpapatuloy din ng kasalukuyang pamunuan sa ilalim ni Secretary Rex Gatchalian, kung saan ang mga social worker ng ahensya ang siyang maglilista at may desisyon sa pinal ng listahan ng mga tatanggap ng ayuda.
“Naniniwala po ako na sa pamumuno ni Secretary Rex, ang DSWD mismo ang pumupunta sa mga lugar. Nasa ground po sila, may mga tao sila roon na gumagawa ng listahan. Hindi po ito nanggagaling mismo sa politiko. Ganyan din po ang naging praktis noong panahon ko sa pamamahagi ng AICS,” dagdag niya.
Matapos malinaw ang isyu, isinulong ni Tulfo ang P34-bilyong dagdag na pondo para sa programang AICS sa badyet ng DSWD para sa 2026 at binibigyang-diin ang kahalagahan ng kahandaan ng pamahalaan sa anumang pangyayaring mangangailangan ng agarang tulong para sa mga apektadong Pilipino.
Kalaunan ay inaprubahan ng bicameral conference committee ang P66.528 bilyong pondo para sa AICS program para sa 2026.
“Kailangan na kailangan po ang AICS. Kapag tinamaan po ang isang lugar at maghihintay pa ng QRF o Quick Response Fund, aabutin po ng dalawa o tatlong linggo bago mailabas. Samantalang kung nariyan na po ang AICS, mas madali na po itong maipamigay agad ng departamento sa mga benepisyaryo,” ani Tulfo. (JERRY S. TAN)