Advertisers
INILARAWAN ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio bilang patunay ng sistematikong pandarambong sa pondo ng bayan ang paglabas ng tinaguriang “DPWH leaks” na umano’y naglalantad sa malawakang pagsingit ng mga proyekto sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong administrasyong Duterte.
Ayon kay Tinio, hindi na maaaring ituring na “isolated incidents” ang mga alegasyon nang lumabas ang mga dokumentong iniulat ng Bilyonaryo News Channel (BNC) na nag-uugnay sa matataas na opisyal ng pamahalaan, kabilang si Vice President Sara Duterte, Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, at dating Presidential Spokesperson Harry Roque, sa mga alokasyon sa DPWH budget.
“Ipinapakita ng DPWH leaks kung paano ginawang gatasan ang badyet ng bayan. Hindi ito simpleng singit, dahil organisado at sistematikong pandarambong ito,” giit ni Tinio.
Batay sa ulat ng BNC, may 16 line items na nagkakahalaga ng kabuuang P1 bilyon na umano’y hiniling na maisama sa 2020 DPWH budget noong alkalde pa ng Davao City si VP Duterte. Lahat ng proyektong ito tuluyang lumitaw sa General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Tinio, malinaw na may direktang impluwensiya ang ilang politiko sa paghubog ng pambansang badyet, isang gawain na matagal nang inirereklamo nguni’t ngayon lamang nabibigyan ng kongkretong ebidensiya.
“Hindi pwedeng magmalinis ang sinuman. Kung may pangalan sa mga line item, may pananagutan. Ganito tumakbo ang sistema sa DPWH sa ilalim ng Duterte administration,” diin ni Tinio.
Binanggit din ng mambabatas na hiwalay pa ang naturang P1 bilyon sa tinatayang P51 bilyong alokasyon na iniugnay kay Rep. Paolo Duterte, na ayon sa kanya ay unang kinumpirma ng yumaong DPWH Undersecretary Cathy Cabral.
Sa pananaliksik ng BNC, lumabas na pawang road projects ang mga sinasabing line items, 15 sa Davao City at isa sa Davao del Sur. Habang 14 sa 16 proyekto na iniugnay kay Rep. Duterte ay tuluyang naisama sa GAA, na nagkakahalaga ng mahigit P764 milyon.
Bukod pa rito, iniulat din na dalawa sa apat na proyekto ay nakapangalan kay Harry Roque, na nagkakahalaga ng tig-P2 milyon, naisama rin sa pambansang badyet at matatagpuan sa iba’t ibang lalawigan.
Para kay Tinio, malinaw na ang mga impormasyong ito ay hindi lamang isyu ng maling proseso kundi ng malubhang pang-aabuso sa kapangyarihan.
“Kung seryoso ang pamahalaan sa pananagutan, dapat imbestigahan ang buong panahon mula 2016 hanggang 2022 at panagutin ang lahat ng sangkot, maliit man o malaki ang pangalan,” ani Tinio.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang pahayag ang kampo nina Vice President Duterte, Rep. Duterte at Harry Roque kaugnay ng mga alegasyon.