Advertisers

Advertisers

MAY BUKAS PANG NAGHIHINTAY

0 77

Advertisers

SUMAPIT ang 2026 na may tahimik na paalala na may mga bagay tayong hindi kontrolado, ngunit marami pa ring maaari nating ayusin.

Sa bawat bagong taon, may pagkakataong huminto sandali, magnilay sa mga pagkukulang, kilalanin ang mga aral at magpatuloy nang mas malinaw ang direksyon.

Hindi naging madali ang nagdaang taon para sa marami.

May pagod, may pangamba at may mga pangarap na naantala.

Sa kabila nito, nariyan pa rin ang kakayahan ng Pilipino na bumangon, umangkop at magtiwala na may bukas pang naghihintay.

Aba’y sabi nga, ang 2026 ay hindi kailangang salubungin nang may ingay o labis na pangako.

Sapat na ang simpleng hangarin na mas maging tapat sa gawain, mas maging maunawain sa kapwa at mas maging responsable sa mga desisyong ginagawa bilang indibidwal at bilang bansa.

Sa pagsisimula ng bagong taon, nawa’y piliin natin ang pag-asa kaysa takot, pagkilos kaysa reklamo at pagkakaisa kaysa pagkakahati.

Sapagka’t sa dulo, ang tunay na pagbabago ay hindi nagsisimula sa petsa sa kalendaryo, kundi sa pasyang gawin ang tama—araw-araw, ngayong 2026 at sa mga darating pang taon.

KABAYANIHAN NI SEC. TOOTS OPLE

Sa gitna ng sariling pagsubok, hindi niya iniwan ang tungkulin sa bayan. Sa mga salitang ito mailalarawan si Sec. Maria Susana “Toots” Ople, isang lingkod-bayan na hindi kailanman umalis sa serbisyo, kahit pa humihina na ang katawan hanggang siya ay pumanaw.

Ang paggawad sa kanya ng Posthumous Order of Lakandula, Grand Cross (Bayani), ay hindi lamang parangal sa kanyang mga nagawa, kundi pagkilala sa uri ng pamumunong bihira ngunit labis na kailangan ng bansa.

Hindi naging madali ang pagbuo ng Department of Migrant Workers (DMW). Isa itong bagong ahensya na humarap agad sa mabibigat at masalimuot na suliranin ng milyun-milyong OFWs.

Subalit sa ilalim ng pamumuno ni Ople, nagkaroon ito ng malinaw na direksyon, mula sa pagpapatibay ng mga kasunduang pang-manggagawa sa iba’t ibang bansa hanggang sa konkretong serbisyong ramdam ng mga migranteng Pilipino, tulad ng repatriation mechanisms, OFW Hospital at mga digital na sistema.

Ang mas mahalaga, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi lamang polisiya ang iniwan niyang pamana kundi isang malinaw na paninindigan na ang bawat OFW ay may dangal, karapatan at karapat-dapat sa makataong pagtrato. Ito ang uri ng adbokasiyang hindi nasusukat sa bilang ng proyekto kundi sa buhay na naprotektahan at pag-asang naibalik.

Sa pag-alaala kay Sec. Toots Ople, malinaw ang mensahe na may mga lingkod-bayan na hindi man naghahangad ng papuri ay nag-iiwan ng bakas na patuloy na gumagabay sa susunod na henerasyon.

Hanggang kaya, lumalaban. Hanggang sa huli, naglilingkod.

At sa ganitong paraan, ang kanyang serbisyo ay hindi nagtapos—patuloy itong nabubuhay sa bawat Pilipinong kanyang ipinagtanggol at ipinaglaban.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.