Advertisers
ISINIWALAT ng abogado ni dating Department of Public Works and Highways Usec. Catalina Cabral na unang tinangka ng kaniyang kliyente na magpatiwakal sa kaniyang bahay sa gitna ng imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects.
Ayon kay Atty. Mae Divinagracia, ang unang suicide attempt ni Cabral ay nangyari ilang araw matapos ang pagdinig kungsaan idinawit ang kaniyang pangalan ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo.
Inakusahan ni Bernardo si Cabral ng pagkontrol umano sa National Expenditure Program ng DPWH sa ilalim noon ng liderato nina dating DPWH Secretaries Mark Villar at Manuel Bonoan.
Aniya, tinangka ng dating opisyal na saktan ang kaniyang sarili gamit ang kutsilyo subali’t nagawa siyang pigilan ng kaniyang anak na babae, naagaw ang patalim mula sa kaniya. Tumalon din, aniya, si Cabral sa hagdan ng kanilang bahay.
Inilarawan ng abogado ang unang pagtatangka ni Cabral na tapusin ang kaniyang buhay bilang “tipping point” na nag-ugat aniya nang siya ay tanggalin sa pwesto, na idinaan sa ‘courtesy resignation’.
Ayon sa abogado, hiniling kay Cabral na magsumite ng kaniyang resignation sa gitna ng imbestigasyin matapos ang 40 taon pagsisilbi niya sa DPWH at pinagkaitan ng kaniyang retirement pay.
Sa mismong araw din ng pagkamatay ni Cabral, dalawang beses siyang bumaba sa sasakyan sa may Kennon Road at kaniyang sinuri ang taas at lalim ng bangin, base narin sa salaysay ng kaniyang driver.
Naobserbahan din aniyang dumaranas ng depresyon ang dating opisyal dahil sa kawalan ng ganang kumain at tinatawagn din aniya ang abogado para talakayin ang mga bagay na napag-usapan na.
Hindi aniya na-diagnose ang dating opisyal dahil tumanggi itong humingi ng professional help dahil ayaw niyang magkaroon ng rekord na dumaranas siya ng mental illness.
Pumanaw si Cabral Disyembre 18, 2025. Natagpuan ang kaniyang labi sa paanan ng bangin sa may Kennon Road, Tuba, Benguet.