Advertisers
NASAWI ang tatlong miyembro ng Sibulan Municipal Police Station, kabilang ang kanilang hepe, sanhi ng pamamaril ng isang kabaro na kanilang inaresto dahil sa pagkakabaril-patay sa isang babae sa loob ng bar sa Sibulan, Negros Oriental, Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Captain Jose Edrohil Cimafranca, hepe ng Sibulan Municipal Police; Senior Master Sgt. Tristan Chua, Patrolman Rey Albert Temblor, at sibilyan na si Sheila Mae Dinanao.
Ang salarin ay kinilalang si Staff Sgt. Bonifacio Saycon
Ayon kay Police Captain Stephen Polinar, tagapagsalita ng Negros Oriental Police Office, sumuko din agad ang salarin.
Sa inisyal na imbestigasyon, unang binaril ni Saycon si Dinanao sa loob ng bar sa Barangay Tubtobon.
Magkakasama ang nasabing apat na pulis sa bar nang maganap ang pamamaril ni SSgt. Saycon kay Dinanao. Agad namang dinisarmahan ng tatlong pulis ang kabaro at inaresto.
Habang bumibiyahe na patungo sa kanilang istasyon, pinagbabaril sa loob ng sasakyan ni Saycon sina Cimafranca, Chua at Temblor, sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.
Halos hatinggabi na ng Biyernes nang isuko ng kanyang pamilya ang salarin sa Tanjay City Police Station, kungsaan ito nakapiit ngayon. (Mark Obleada)