Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Very vocal si Vice Ganda sa pagsasabing gusto na niyang magkaanak.
Hirit pa niya, taon-taon daw ay plinaplano nila ni Ion Perez na magka-baby.
Gayunpaman, dahil sa pagiging abala at napakaraming obligasyon ay hindi raw niya ito mapaglaanan ng panahon.
Feeling pa niya, taon-taon daw ay namamatayan sila ng anak ni Ion dahil sa nasasayang na pagkakataon.
Sey pa niya, bet daw niyang maging nanay at magmahal ng batang sarili niya.
Ibig sabihin ay ini-explore na niya ang pagkakaroon ng baby through surrogacy.
Sa kanya namang vlog, sinabi ni Ogie Diaz, kaibigan at dating manager ni Meme na suportado niya ang kagustuhan ni Vice na magkaroon ng baby.
Katunayan, siya raw ang nagsabi noon kay Meme na kung gagawa ito ng baby ay dapat na manggaling mismo sa aktor.
Ito rin daw ang suhestiyon ng partner nitong si Ion.
Katuwiran kasi ni Mama Oggs, sayang naman ang yaman at pinaghirapan ng TV host-aktor kung walang magpapatuloy ng legacy nito.
Nasasayangan din daw siya sa talento ni Meme kung walang magpro-propagate nito.
Hirit pa niya, malaking desisyon din daw para kay Meme ang paglalaan ng panahon para magkaroon ng anak lalo pa’t sa Marso ay magiging 50 years old na ito.
Kung isasakripisyo nga naman ni Vice ang kanyang oras, kailangang maging healthy ito pati na ang sperm count nito para makabuo ng baby.
Dahil sa development na ito, hirit ng kibitzers ay wanted na raw ni Vice na babaeng bubuntisin at tataniman ng kanyang semilya.
Anyway, wish namin na matupad ang pangarap ni Vice na magkaroon ng baby ngayong taon.
***
MTRCB nakapagribyu ng aabot sa 172,000 na materyal nitong 2025; Isinumiteng mga pelikula, umangat sa 13.34%
NAKAPAGRIBYU ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson at CEO Lala Sotto, ng kabuuang 171,972 na materyal nitong 2025, patunay ng dedikasyon ng Ahensiya na isulong ang responsableng panonood sa gitna ng mabilis na paglago ng digital media landscape.
Kabilang sa mga nabigyan ng angkop na klasipikasyon ang 127,704 television programs, 40,505 TV plugs at trailers, 1,695 publicity materials, 10 optical media materials, 1,380 movie trailers at 671 films.
Kabilang dito ay 311 lokal na pelikula at 360 banyaga.
Nasa 359 ang rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang)—angkop sa mga batang 12 at pababa basta’t may kasamang magulang o nakatatanda.
May 48 na rated G (General Audience) para sa lahat ng edad; 142 rated MR-13 (Restricted-13); 98 R-16 (Restricted-16); at 28 R-18 (Restricted-18).
Tatlo lamang sa 671 ang na-X, o hindi puwedeng ipalabas sa sinehan.
Noong 2025, iniulat ng Ahensiya ang 13.34 porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga pelikulang naklasipika, mula 592 noong 2024.
Tumaas din sa 151.37 porsiyento ang bilang ng mga movie trailer sa sinehan, telebisyon at iba pang lugar, mula 54 noong 2024 din.
“Ang mga bilang na ito ay nagpapahiwatig ng positibong senyales ng muling pagsigla at pag-usad ng industriya ng pelikula,” sabi ni Sotto.
Ayon pa kay Sotto, binibigyang-diin ng mga datos ang mahalagang papel na ginagampanan ng MTRCB para maproteksyunan ang mga manonood, laluna ang mga batang Pilipino, habang nananatiling sumusuporta sa industriya ng pelikula at telebisyon.
“Ang mataas na bilang ng mga materyal noong 2025 ay sumasalamin sa sigla ng industriya ng pelikula at telebisyon at sa lumalawak na responsibilidad ng MTRCB,” sabi ni Sotto.
“Habang mas maraming content ang nakokonsumo ng mga Pilipino sa pamamagitan ng sinehan at telebisyon, lalo ring nagiging mahalaga ang aming tungkulin na gabayan ang mga manonood sa pamamagitan ng malinaw at angkop na klasipikasyon.”
Ipinahayag din ni Sotto ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa 31 Board Members “sa kanilang dedikasyon at walang sawang pagtitiyak na ang lahat ng materyal ay nabibigyan ng angkop na klasipikasyon bago ipalabas sa publiko.”
“Lubos akong nagpapasalamat sa aming masisipag na mga Board Member at kawani na patuloy na nagtatrabaho upang matiyak na ang mga materyales ay responsableng nariribyu at nabibigyan ng angkop na klasipikasyon,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Sotto ang importansiya ng MTRCB ratings na nagiging gabay ng mga magulang pagdating sa pagpili ng angkop na papanoorin, habang iginagalang ang malayang paglikha.
Sa buong taon, patuloy na pinagtitibay ng MTRCB ang proseso nito at pinalalakas ang koordinasyon sa mga stakeholder.
Patuloy din ang mga inisyatiba nito pagdating sa pagpapalaganap sa publiko tungkol sa “Responsableng Panonood,” pangunahing kampanya ng MTRCB tungkol sa media literacy.