Advertisers
NAGHAIN sina Senadora Risa Hontiveros at Akbayan Party ng mga panukala upang ipagbawal ang political dynasties at kontratista sa pagsali at pag-abuso sa party-list system.
Layunin ng Senate Bill No. 1656 ni Hontiveros na ipagbawal ang pagsali ng mga political dynasty sa party-list system at pigilan ang mga nominado at kinatawan ng party-list na may interes sa mga kontrata ng pamahalaan.
Naghain din ng katapat na panukala (House Bill No. 7074) ang mga kinatawan ng Akbayan Party-list na sina Chel Diokno, Perci Cendaña, at Dadah Ismula, kasama si Kinatawan Kaka Bag-ao ng Dinagat Islands.
“Kung gusto nilang rumaket, huwag nilang gamitin ang party-list system. Layunin ng panukalang batas na ito na bawiin ang boses ng karaniwang Pilipino na matagal nang naisantabi dahil sa mga abusadong personalidad na ginagamit ang party-list system bilang likurang daan tungo sa kapangyarihan. Tama na ang pangha-hijack nila. Kung hindi sila tunay na lumalaban para sa sambayanang Pilipino, wala silang lugar sa sistemang ito,” pahayag ni Hontiveros.
“Nilalayon ng aming panukala na ibalik ang tunay na diwa ng batas at ilayo ang party-list system sa kamay ng mga nais lamang itong pagsamantalahan. Tinitiyak din nito na ang mga sektor na nasa laylayan ay may tunay na boses sa Kongreso upang maipaglaban ang kanilang mga karapatan at kapakanan,” ayon naman kay Diokno.
Sa kanilang panukala, ipagbabawal din ang pag-register ng party-list organizations na nakabatay sa titulo ng TV o radio programs, government assistance programs, at pangalan ng public figures.
Itinutulak din ang pagtanggal sa three-seat limit. (Mylene Alfonso)