Advertisers
Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng gabay ni DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez, ang mga operator at driver ng mga public utility vehicles (PUVs) na mahigpit na sundin ang mga probisyon ng batas laban sa pambabastos (harassment) at diskriminasyon sa mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, dapat laging unahin ang kapakanan ng mga pasahero dahil ito ang nakasaad na kondisyon sa awtoridad na mag-operate na tinanggap ng mga PUV operator nang sila ay mag-apply para sa prangkisa.
“Simple lang ang lohika rito: Ang mga pasahero ang bumubuhay sa mga negosyong pampublikong transportasyon. Kaya naman, tungkulin nila na irespeto ang mga ito sa lahat ng pagkakataon,” ani Chairperson Mendoza.
“Sa mga pagkakataong hindi nila ito gagawin, sa mga kaso ng pang-aabuso at paglabag sa mga kondisyong itinakda sa ilalim ng awtoridad na mag-operate, kaming mga nasa LTFRB ang kikilos para at sa ngalan ng mga commuter,” pagbibigay-diin niya.
Sinabi niya na ito ay alinsunod sa instruksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na bigyang-priyoridad ang kapakanan ng mga commuter na Pilipino.
Isa sa mga batas na ito ay ang “Bawal Bastos Law”, o ang Republic Act No. 11313 (R.A. 11313), na kilala rin bilang Safe Spaces Act.
Gayunpaman, binig-yang-diin ni Chairperson Mendoza ang pangangai-langan ng pakikipagtulu-ngan ng publiko sa paghahabol sa mga pasaway na driver at operator.
Aniya, tanging kapag determinado ang pasaherong biktima na ituloy ang anumang kaso magkakaroon ng malakas na mensahe sa mga pasaway na transport operator at driver na dapat silang umasal nang maayos sa lahat ng oras.
At magsisimula ito, aniya, sa pamamagitan ng paghahain ng reklamo o paghingi ng tulong sa LTFRB.
“Tayo naman sa LTFRB ay pinadali na natin ang lahat ng proseso sa pagrereklamo. Mayroon tayong mga hotline at mayroon din tayong social media monitoring team upang bantayan ang mga social platform para sa anumang mga alalahanin na may kaugnayan sa pampublikong transportasyon,” sabi ni Chairperson Mendoza.
Binanggit niya bilang ha-limbawa ang kaso ng isang driver ng ride-hailing service na nga-yon ay nahaharap sa pagkansela ng lisensya at iba pang parusa dahil sa reklamong sexual harassment sa isang babaeng pasahero.
“Magtulungan tayo upang patuloy na maging maayos ang serbisyo ng ating pampublikong transporta-syon. Sa panig ng LTFRB, patuloy kaming magiging tagapagtanggol ng interes ng publikong sumasakay,” pagtatapos ni Chairperson Mendoza. (Almar Danguilan)