Advertisers

Advertisers

21 baril isinurender…EX-SEN. REVILLA PIYANSA SA ‘GRAFT’

0 11

Advertisers

SUMUKO si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Lunes ng gabi, matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng P92.8 milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, boluntaryong sumuko si Revilla sa Camp Crame kasama ang kanyang pamilya, anak, at legal counsel.

“Kasama ko rito si Chief PNP, General Nartatez; at ang hepe ng CIDG na si General Morico. Nandito kami para bigyan ng kalinawan ang voluntary surrender ni former Senator Ramon ‘Bong’ Revilla. Nag-surrender siya Lunes ng gabi, 8:00 hanggang 10:00pm. Nasa Facebook Live pa ’yun kaya makikita ninyo,” ani Remulla.



Ipinabatid sa kanya ang warrant of arrest at ang dahilan ng kanyang pag-aresto, kasama ang kanyang mga karapatan. Isinailalim si Revilla sa booking at documentation procedure, kabilang ang medical examination, pagkuha ng mugshot, height, profile, at fingerprints, alinsunod sa protocol.

“He was duly processed, he was read his rights, at dumaan sa buong proseso ng voluntary surrender. Yung normal na medical checkup, picturan siya, kuha ang height, profile, mugshot, lahat yun. Kinuha rin ang fingerprints niya, gaya ng ginagawa sa lahat ng detainees,” dagdag pa ni Remulla.



Naglagak naman ng P90,000 na piyansa si Revilla kaugnay ng hiwalay na kasong ‘graft’ na isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan 4th Division.

May kaugnayan parin ang kaso sa P92.8 milyong “ghost” flood control project sa Pandi.



Samantala, una nang inutos ng Sandiganbayan Third Division ang pansamantalang detensiyon ni Revilla sa New Quezon City Jail sa Payatas para sa kasong ‘malversation’ na may kinalaman sa kaparehong proyekto.

Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na lima sa anim na kapwa akusado ni Revilla sa kasong malversation kaugnay ng P92.8m ghost project ang naaresto na o nasa kustodiya ng mga otoridad.

Kinilala ang mga naaresto na sina Bulacan 1st District Engineering Office (DEO) officials Brice Ericson Diaz Hernandez, Jaypee de Leon Mendoza, Arjay Salvador Domasig, at Juanito Coronel Mendoza na nasa National Bureau of Investigation (NBI) custody. Samantalang si DEO official Christina Mae del Rosario Pineda ay naaresto ng CIDG. Pinaghahanap naman ang isa pang akusado na si Emelita Capistrano Juat.

“Out of the six other accused, lima na ang nasa custody ng PNP galing sa DPWH. Isa nalang ang malapit na naming mahuli at alam na namin kung nasaan siya,” pahayag ni Remulla.

Iniharap nitong Martes ng umaga si Revilla sa Sandiganbayan, ang naglabas ng warrant of arrest, at kasalukuyang hinihintay ang magiging desisyon kung saan siya at ang kanyang mga kapwa akusado ikukulong.

Tiniyak ni Remulla na walang ibibigay na special treatment kay Revilla.

Nilinaw pa ng kalihim na hindi na pwedeng gamitin ang Camp Crame custodial center dahil nakatakda itong i-demolish ngayong buwan para sa bagong PNP Headquarters.

Samantala, isinuko ni Revilla ang dalawangpu’t isa (21) baril nang sumuko ito sa CIDG.

Ayon kay Remulla, kabilang sa mga isinuko ni Revilla ang mga baril na naka-registered sa kanyang pangalan na kinabibilangan ng 7 long firearms at 14 short firearms.

Sinabi ni Remulla, “he is no longer entitled to own and operate the firearm dahil dalawa ‘yan, license to own and possess plus license for the firearms. Since he will detained, he will no longer be able to be in possession of those firearms.”

Aniya, kung hindi niya i-surrender in danger sa mga raid sa loose firearms dahil ang registration personal, hindi niya rin magagawa. (Mark Obleada)