Advertisers
NASAWI ang apat na mga kasapi ng Philippine Army matapos tambangan ng mga armadong grupo ng Dawlah Islamiya-Maute Group sa Purok 1, Barangay Liningding, Munai Lanao Del Norte nitong Biyernes, Enero 23.
Sa inisyal na ulat ng awtoridad, sakay ng kulay asul na Toyota Avanza ang mga biktima at nagsasagawa ng marketing operation nang biglang paulanan ng bala ng mga armadong grupo 10:00 ng umaga.
Agad namang rumesponde ang mga kasamahang sundalo mula sa 44th Infantry Battalion upang ma-secure ang lugar at mabawi ang mga nasawing kasamahan habang ang mga nakaligtas na sugatan ay agad idinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Agad ding nagsagawa ng clearing operation ang tropa ng Philippine Army at hot pursuit operation upang agad na mabigyan hustisya ang mga nasawing kasamahan na hindi na muna umano pinangalanan ng awtoridad.
Pinahigpit narin ang security measures sa buong bayan ng Munai habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga militar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at humupa ang tensyon sa lugar.