Advertisers
HINDI makikialam ang gobyerno ng Pilipinas sa pre-trial proceedings ng International Criminal Court (ICC) na kinasasangkutan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Malakanyang.
Nangyari ito matapos ipahayag ng ICC Pre-Trial Chamber 1 noong Lunes na “fit” si Duterte upang humarap sa pre-trial proceedings, sa kabila ng pahayag ng kanyang kampo na may iniindang cognitive impairment ang 80-anyos na dating pangulo.
Itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing laban kay Duterte sa Pebrero 23, 2026, kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang usapin ay nasa hurisdiksyon lamang ng ICC.
“Ang nagpasiya po niyan ay ang pre-trial chamber 1 ng ICC,” pahayag ni Castro sa mga mamamahayag.
Sinabi ni Castro na iginagalang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang proseso ng mga internasyonal na katawan.
Walang intensyon ang Pangulo na makialam sa kaso, ani Castro.
Nanindigan ang Palasyo na ipinauubaya nito sa ICC ang usapin batay sa sarili nitong mga patakaran at pamamaraan. (Vanz Fernandez)