PNP-CIDG sinubpoena ang nag-notaryo sa affidavit na isinumite ng kampo ni Atong Ang kaugnay sa nawawalang rifle
Advertisers
PINATATAWAG ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang notary public na nag-notaryo sa isinumiteng affidavit ng kampo ng puganteng negosyante na si Atong Ang kaugnay sa kaniyang nawawalang rifle.
Sinabi ni CIDG–National Capital Region (NCR) Chief Col. John Guiagui, inatasan ang notary public na magdala ng mga kaukulang dokumento may kaugnayan sa affidavit of loss bilang parte ng nagpapatuloy na paghahanap kay Ang, na may existing arrest warrants kaugnay sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero na umano’y dinukot at pinatay.
Paliwanag ng CIDG-NCR Chief na layunin nito na masuri ang katotohanan kung saan kabilang sa kanilang titignan ay kung kailan isinumite ang affidavit, ano ang mga supporting document, dahilan sa pagkawala ng baril, kung totoo bang nanotaryo ito at kung humarap ng personal si Ang.
Matatandaan, nauna nang isinuko ng kampo ni Ang ang lima mula sa anim na baril sa mga awtoridad kasunod ng rebokaysyon ng kaniyang License to Own and Possess Firearms at Firearms Registration.