Advertisers
MAGSASAGAWA ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) para matukoy ang mga responsable sa likod ng pekeng medical bulletin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Inatasan ang Anti-Cybercrime Group (ACG) ng PNP na pakilusin ang isang team na mag-iimbestiga at makikipag-ugnayan sa iba pang ahensya sa pananagutan sa mga nasa likod ng pagtatangkang disinformation.
“I have already tasked the PNP-ACG to help in the conduct of investigation aimed to identify those responsible for this,” sabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa isang pahayag.
Tinawag niya ang paggawa at pag-post ng pekeng medical bulletin sa internet na “walang galang, insensitive at matinding paglabag sa batas.”
Ani Nartatez, malinaw na layunin nitong lituhin ang publiko. Bagamat iginagalang umano nila ang kalayaan sa pagpapahayag ng bawat Pilipino at bawat mamamayan, nakasisiguro silang ang ganitong uri ng aksiyon ay hindi parte ng naturang kalayaan.
Nauna nang pinabulaanan bilang “false” o peke ang naturang medical result ng Presidential Communications Office (PCO) at ng St. Luke’s Medical Center, na ginamit ang logo sa naturang dokumento.
Nakasaad umano sa dokumento na mayroong “severe sigmoid diverticulitis” ang Pangulo, na lumala umano dahil sa paggamit ng droga at kailangang sumailalim sa urgent surgical consultation. (Vanz Fernandez)