Advertisers
NAGDALA umano si dating Congressman Zaldy Co ng $100 milyon (o tinatayang P5.85 bilyon) na cryptocurrency sa ibang bansa nang tumakas mula sa Pilipinas.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ito na ang posibleng ginagamit ni Co sa ibang bansa dahil na-freeze na ang kanyang mga credit card.
“Ang alam namin, mga 100 million dollars ang dinala niya abroad via crypto, ‘yun ‘yung ginagamit niya,” ani Remulla.
“Kriminal talaga. Marunong talaga sa krimen. Pati escape route ng pera, escape route ng bahay niya kung saan siya titira, alam niya, escape route kung paano siya iikot, alam niya rin… more than a congressman, more than a businessman, he’s a criminal,” dagdag niya.
Sinabi rin ng kalihim na makikipag-ugnayan ang pamahalaan sa Sweden para sa paghahanap kay Co.
Paiigtingin na in aniya ng mga awtoridad ang kanilang operasyon at ipapa-red flag ang foreign passport na ginagamit niya sa biyahe sa Europe.
Ito ay kasunod ng ulat ng reporter na si Joseph Morong na humarap si Co sa isang notaryo sa Stockholm, Sweden nitong Enero 15 upang pumirma sa petisyon sa Supreme Court.