Advertisers

Advertisers

32 Taon pagsasama, nauwi sa kasalan sa Manila City Hall

0 15

Advertisers

Tuluyang nagbigkis bilang mag-asawa ang 79-anyos na groom at 67-anyos na bride sa isang civil wedding ceremony sa Manila City Hall noong Miyerkules ng umaga, Pebrero 4, makalipas ang mahigit tatlong dekadang pagsasama.

Ginanap ang kasal nina Manuel Bulong Delos Santos at Mae Jean Dolar Baladiang sa Bulwagang Villegas, na nagsilbing makabagbag-damdaming pagbubukas ng buwan ng mga puso—patunay na ang pag-ibig at debosyon ay walang pinipiling oras o edad.



Sa harap ng mga kawani ng Manila City Hall, pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang seremonya, kung saan ipinagdiwang ang pagsasamang hinubog ng mahabang kasaysayan at matibay na samahan.

Tatlumpo’t dalawang taon nang nagsasama ang mag-asawa, hinarap ang iba’t ibang hamon ng buhay at sabay na inalagaan ang anim nilang apo sa iisang bubong, bago tuluyang pormal na pagtibayin ang kanilang relasyon sa altar.



Pinangunahan ni Mayor Domagoso ang kasal at inilarawan ang okasyon bilang isang “nakakaantig na sitwasyon” para sa mga kawani ng City Hall. Ayon sa alkalde, pinagbigyan ang seremonya dahil sa ipinakitang tiyaga ng mag-asawa na igalang at kilalanin ang kanilang matagal nang pagsasama.

Ibinahagi ni Baladiang na bagama’t mahigit tatlong dekada na silang nagsasama, kinailangan pa rin ng mahabang panahon at pasensya bago nila narating ang araw na ito.



Inilarawan ng bride ang seremonya bilang katuparan ng isang buhay na ginugol kasama ang isang taong tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.

“Sa 32 years na nagsasama kami, ngayon lang kasi naging maayos ang mga dokumento namin. Sa 32 years na pagsasama namin, dito ko napatunayan at nahanap ’yung tunay kong pag-ibig—’yung tunay na hinihintay ko, ’yung totoong nagmahal sa akin. Kaya ito na po ’yung katuparan ko at salamat po,” ani Baladiang.

Sa kabila ng kanilang pinansyal na pagsubok—kabilang ang pagpapalaki sa anim na apo at kamakailang pagsasangla ng kanilang telebisyon para may maipambayad sa matrikula—nanatiling buo ang kanilang hangaring magpakasal at manumpa ng kanilang pag-ibig sa harap ng lungsod.

Binigyang-diin ni Mayor Domagoso na ang kwento ng mag-asawa ay nagsisilbing aral sa publiko tungkol sa kahalagahan ng pangmatagalang commitment at sakripisyo.

Umaasa rin ang alkalde na pagpalain pa ng mahabang buhay at mabuting kalusugan ang mag-asawa ngayong natupad na nila ang pangarap na kasal.

“I hope kapulutan ng aral ang pagsasama ninyo na kahit na sa ganitong edad ay kinikilala n’yo pa rin ang kahalagahan ng kasal. Bilang institusyon, bilang indibidwal, bilang Ama ng Maynila, walang huli sa pag-ibig at sa pag-aasawa hanggang dulo,” pahayag ni Domagoso.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Baladiang kay Mayor Domagoso at sa mga kawani ng City Hall sa tulong at malasakit na ipinagkaloob sa kanila.

Ibinahagi rin ng bride na higit pa sa kanyang mga ipinagdasal ang mga biyayang kanyang natanggap.

“Ang daya-daya po ni Lord. ’Yung hinihiling ko po sa Kanya, konti lang; ang binigay Niya po sa akin, sobra-sobra,” ani Baladiang.(BP)