Advertisers

Advertisers

Heart Ryan at Zeke Polina manggugulat at mananakot sa lihim ng Bloody Night ng Hell University!

0 25

Advertisers

Ni Anne Venancio

Simula ngayong Pebrero 6, 2026, bubuksan ng Viva One ang isang kakaibang karanasan para sa mga kabataang manonood sa pamamagitan ng seryeng Hell University. Pinagbibidahan ito nina Heart Ryan at Zeke Polina at idinirehe ni Bobby Bonifacio Jr., ang youth-thriller ay co-produced ng Studio Viva at WEBTOON Productions. Ang serye ay hango sa Wattpad webnovel ni KnightInBlack, na may mahigit 182 milyong reads at naging paperback bestseller sa Psicom Publishing.

Sa mundo ng Hell University, libre ang tuition at pagkain, pero kapalit nito ang buhay ng mga estudyante. Isang lihim na paaralan ito na hindi saklaw ng anumang batas ng gobyerno, kung saan normal ang karahasan. May tinatawag na “Bloody Night” mula alas-7 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga, panahong pinapayagan ang pagpatay. Anim na magkakaibigan ang aksidenteng napadpad sa paaralang ito at nahulog sa gulo ng dalawang matinding gang: ang Black Blood Gang at Devil God Warriors.

Si Heart Ryan ang gumanap bilang Zein, ang matapang at palaban na lider ng grupo. “Hindi lang siya tungkol sa tapang. May takot, may doubts, pero pipiliin pa rin niyang ipaglaban ang mga kaibigan niya,” ani Heart sa interbyu sa kanya ng entertainment media.

Sey naman ni Zeke Polina na gumaganap bilang Ace Craige, ang Supremo, student council president, “Tahimik siya, pero ramdam mo ang kanyang authority. Isang warning lang, buhay na ang kapalit.”

Para kina Heart at Ryan, exciting na sila ang napiling lead roles sa ‘Hell University’ matapos ang klik na tambalan nina Andres Muhlach at Ashtine Olviga, at Rabin Angeles at Angela Muji.
Pag-amin ng aktres, “Months ago, nervous kami sa magiging reaksyon ng viewers at fans, pero ngayon, masaya kami dahil nabigyan kami ng pagkakataon na gampanan ang lead roles. Talagang grateful kami sa Viva.” Dagdag pa ni Zeke, “Bukod sa kaba, excited talaga kami. Malaking challenge ito, pero kakayanin namin, masaya sa set.”

Kabilang din sa ensemble cast sina Andre Yllana, Gabbi Ejercito, Derick Ong, Jastine Lim, Jac Abellana, Aubrey Caraan, Lance Carr, Keagan De Jesus, at Jemima Rivera.
Ayon kay Direk Bobby Bonifacio Jr., malaking challenge sa kanya kung paano mabibigyan ng hustisya sa screen ang mga karakter lalo’t ang iba sa mga cast ay mga anak ng mga sikat na artista.
Hindi rin aniya nakaligtas sa kakaibang karanasan ang cast sa set. “May mga cast na may third eye. Pare-pareho silang nakakaranas at nakakakita ng kakaibang presence. Aminado ako, may mga moments na talagang creepy,” ani Bonifacio Jr.
Thankful naman si Andre Yllana, anak nina Aiko Melendez at Jomari Yllana sa pagkakataong mapasama sa proyekto. “Blessed talaga ako, sunud-sunod ang projects. Sobrang thankful sa tiwala ng Viva. Laging tinatanong ni mommy kung kumusta kami sa set, si Daddy naman, lagi niya akong nire-remind na dapat handa ako sa mga eksena ko at maging on time sa shoot.
‘Di naman nakaligtas si Andre nang tanungin kung kumusta sila ng napapabalitang bagong karelasyon ng kanyang mommy Aiko?
Aniya, “Okey naman po kami.”
Kung aprub ba sa kanya si Onemig? Aniya, ‘Okey lang po, mukhang naman silang masaya together, so okey na rin sa akin.”

Samantala, para kina Jac Abellana at Gabbi Ejercito, malaking tulong umano na ginagabayan sila ng kanilang mga magulang sa kanilang showbiz career. Si Jac ay anak ng dating That’s Entertainment member na si Jojo Abellana habang si Gabbi naman ay anak nina Gary Estrada at Bernadette Allyson.
Kwento ni Jac, “Noong bata pa ako, hindi ko gusto ang showbiz. Pero later on, naoobserbahan ko sa taping ni Daddy, naisip ko, parang gusto kong subukan kaya thankful ako na heto at nakapasok na ako sa showbiz at full support po siya. Kaya gagalingan ko po.”

Hindi umano makapaniwala ang writer ng Hell University na si KnightInBlack, na ang mga karakter dati sa kanyang imahinasyon ay totoo na at kaharap niya sa mediacon.
Aniya, “Sobrang surreal po ang feeling. Hindi ako makapaniwala na yung mga characters na dati nasa imagination ko lang, ngayon, live na at nandito, magkakasama kami ngayon.”

Sa pagbubukas ng Hell University sa Viva One, asahan ang kakaibang mundo na puno ng takot at karahasan. Paano nga ba mabuhay at makaligtas sa kabila ng panganib?