Advertisers
Ni Beth Gelena
Nakamit ng SB19 ang panibagong milestone matapos ang kanilang unang paglabas sa Japanese television sa morning show na “DayDay” sa Japan.
Bilang kinatawan ng Pilipinas, masayang nakipagkuwentuhan ang limang miyembro ng P-pop group sa programa. Nagkaroon din sila ng live performance kung saan kanilang itinanghal ang kanilang pinakabagong single na “Lawless.”
Isa na namang pandaigdigang milestone ito para sa SB19 matapos ang kanilang TV debut sa DayDay, isang morning information and entertainment program ng Nippon TV.
Bago ang kanilang guesting, ibinahagi ng grupo sa A’TIN ang kanilang excitement at inilarawan ang unang live TV appearance nila sa Japan bilang isa na namang mahalagang hakbang sa kanilang patuloy na paglalakbay sa international scene.
“We’re so happy to be here and honored to represent the Philippines and share our music with Japan and beyond,” saad ng grupo.
Hindi rito nagtapos ang kanilang busy schedule sa Japan. Bahagi ang SB19 ng lineup ng Summer Sonic 2026 at nakatakdang magtanghal sa MASSIVE Stage sa Osaka ngayong Agosto 14. Susundan naman ito ng kanilang performance sa PACIFIC Stage sa Tokyo sa Agosto 15.
Pagkatapos ng Summer Sonic, magkakaroon din ang grupo ng Thanksgiving Fan Meet sa Yokohama sa Agosto 18.
Ang kanilang puspusang schedule sa Japan ay kasunod ng serye ng mahahalagang international activities sa Estados Unidos.
Sa kanilang Japanese TV debut, performance sa Summer Sonic, at fan meet sa Yokohama, patuloy na pinapalawak ng SB19 ang kanilang abot sa international music scene ngayong 2026.