Advertisers

Advertisers

Isko, pinangunahan ang unang Sparkle Run sa Maynila

0 15

Advertisers

Pormal na nagkaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa pamamagitan ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM), ang Sparkle GMA Artist Center, at ang RUNRIO Inc. upang isagawa ang kauna-unahang Sparkle Run, isang makasaysayang kaganapan na pinagsasama ang fitness, sining, at diwa ng komunidad.

Nilagdaan noong araw ng Huwebes ang kasunduan na nagsisilbing hudyat ng pagsisimula ng kolaborasyong layong isulong ang aktibong pamumuhay, pagpapalaganap ng kultura, at inklusibong mga pampublikong aktibidad para sa mga Manileño at bisita ng lungsod.



Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, mahalaga ang Sparkle Run bilang pagkakataon upang muling ipakilala sa publiko, lalo na sa bagong henerasyon ang kasaysayan at pagkakakilanlan ng Maynila.

“Maganda itong opportunity para ipaalala, i-refresh, o kahit magbukas ng isipan ng bagong henerasyon kung sino tayo at saan tayo nagmula, kung ano ang Maynila at kung ano ang Maynila para sa Pilipinas. Kaya napakahalaga nito. Lubos kaming nagpapasalamat kay Atty. Gozon ng GMA sa pagtitiwala at pakikipag-partner sa amin para gawin ang event na ito sa lungsod. Malaki ang maitutulong nito sa lokal at dayuhang turismo dahil maipapakita ito sa prime television at prime news nang walang gastos sa lungsod. Of course, kasama rin natin ang Manila Bulletin. Maraming salamat,” ani Moreno.



Higit pa sa isang fun run, inilalarawan ang Sparkle Run bilang isang kilusan na nakasentro sa pagkakaisa, malasakit, at positibong layunin. Bukas ito para sa mga artista, fans, runners, first-timers, at mga komunidad mula sa iba’t-ibang sektor, na may layuning magbigay-inspirasyon na “feel good, do good” sa bawat hakbang.

Gaganapin ang Sparkle Run sa Mayo 30 sa Lungsod ng Maynila sa pakikipagtulungan ng RUNRIO Inc., ang nangungunang race organizer sa bansa, habang magsisilbing venue partner ang DTCAM. Target ng mga organizer ang humigit-kumulang 8,000 kalahok, at daraan ang ruta sa ilan sa mga pinaka-ikonikong lugar ng Maynila, na magsisimula at magtatapos sa Quirino Grandstand.



Ibinahagi rin ni Mayor Moreno ang pananabik ng mga kabataang Manileño sa naturang kaganapan.

“Very excited ang mga atabs natin, mga Batang Maynila, dahil iyong mga pinapanood nila sa Kapuso serye at Kapuso shows, makikita na nila nang live dito mismo sa Lungsod ng Maynila ang mga artists behind the show,” wika ni Isko.

Nagpasalamat naman ang mga opisyal ng Sparkle GMA Artist Center sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa buong suportang ipinagkaloob, at kinilala ang mahalagang papel ng lokal na pamahalaan sa pagsasakatuparan ng proyekto. Binigyang-diin din ni RUNRIO Inc. President at CEO na si G. Rio B. dela Cruz ang kahalagahan ng Maynila bilang host city, dahil sa mayamang kasaysayan, accessibility, at matibay na suporta nito sa mga world-class sporting events.

Sa tulong ng buong suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, malikhaing enerhiya ng Sparkle, at husay ng RUNRIO sa pag-oorganisa ng karera, inaasahang magiging isa ang Sparkle Run sa mga signature events na inaabangan ng lungsod at ng buong running community.(BP)