Advertisers
Inaresto ng mga operatiba ng PDEA RO2, kasama ang mga katuwang na law enforcement agencies, ang tatlong estudyante na sangkot sa iligal na droga at nabuwag ang isang drug den sa pamamagitan ng buy-bust operation sa Purok 2, Maharlika Highway, Barangay Tanza, Tuguegarao City, Cagayan noong Pebrero 6, 2026.
Isinagawa ang opetasyon ng pinagsanib na pwersa ng PDEA RO2 Cagayan Provincial Office, PNP Drug Enforcement Group -Special Operations Unit 2 (PDEG SOU 2), Regional Drug Enforcement Unit 2 (RDEU2), PDEU/PIU, Regional Intelligence Unit 2-PIT Cagayan South, 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company (CPMFC), at Tuguegarao City Police Station.
Kinilala ang mga naaresto na sina alias “Estong,” 22; alias “Gelo,” 20; at alias “Rey,” 35, pawang residente ng Aparri, Cagayan.
Nasamsam ang walong maliliit na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng puting kristal na substansya na pinaghihinalaang shabu, na may timbang na humigit-kumulang pitong (7) gramo, at tinatayang halaga sa merkado na P47,600.00. Narekober din ang buy-bust money, dalawang (2) cellphone, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Ayon kay PDEA RO2 Regional Director Gil Cesario P. Castro:
“Ipinapakita ng operasyong ito ang aming pangako na protektahan ang kabataan at komunidad laban sa iligal na droga. Hinihikayat namin ang mga magulang, guro, at publiko na maging mapagmatyag at suportahan ang mga hakbang para sa mas ligtas na komunidad.”
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA RO2 ang mga naarestong suspek para sa dokumentasyon at tamang aksyon. Ang mga kaso laban sa kanila para sa paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, 12, at 15, Article II ng Republic Act No. 9165 ay inihahanda na upang isampa sa korte.(Alex Mendoza)