Advertisers

Advertisers

IKULONG MGA TIWALING SENADOR

0 35

Advertisers

KUNG matino kang senador at iniisip mo ang kapakanan ng bayan, hindi ka magnanakaw ng salapi ng bayan at sasama kay Misfit Sara. Tiwali sina Tricky Tsis, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada. Ito ang dahilan kung bakit mainit ang sambayanan na makulong sila. May batayan ang Senate Blue Ribbon Committee na pinangungunahan ni Sen. Ping Lacson upang irekomenda sila upang maparusahan ng naayon sa batas. Sangkot sila sa katiwalian.

Nagpailalim sila sa saya ni Misfit Sara dahil nagbabakasakali sila na makakalusot kung sakaling naupong presidente ang mangmang na pangalawang pangulo mula Davao City. Alam nila na walang kakayahan na mamuno si Misfit Sara. Kumampi sila sa kanya kahit batid nila na magwawala lang siya at ililisya ang bayan kapag naging pangulo siya.

Hindi masalag o nasasalag ng mga tiwaling senador ay ang matinding damdamin, o ngitngit, ng bayan na ikulong sila. Maliban sa mga DDS, walang naniniwala na hindi dinambong ng tatlo ang salapi ng sambayanan. Sa hukuman ng opinyon publiko, nahatulan ang tatlo ng guilty. Sa pulso ng bayan, marapat na sa husgado sila humarap upang magpaliwanag.

Pero dapat makulong sila upang hindi makapaghahasik ng lagim. Hindi biro ang bintang sa kanila na ninakaw nila ang daang milyon piso na salapi ng bayan. Hindi payag ang bayan na manatili silang naupo sa Senado nang hindi nila ipinapaliwanag ng maayos ang kanilang pagkakasangkot sa malaking katiwalian sa pondo ng bayan.

IKULONG ANG MGA KURAKOT! Ito ang matining na sigaw ng bayan.

***

HINDI namin alam kung anong uri ng katad mayroon ang pagmumukha ni Rodente Marcoleta. Masyadong makapal ang mukha. Ipinapahiya na siya ng kaliwa’t kanan ng mga taong may sapat na kakayahan upang ipaliwanag ng buong linaw ang kanyang kamalian, pero hindi siya natitinag. Hindi siya marunong umamin ng mali.

Mahilig si Rodente magbigay ng mga pananaw na totoong lihis at mali. Walang batayan sa batas at kasaysayan at anumang pag-aaral. Hindi siya nahihiya na ipakita at igiit ng buong giting at katapatan ang kanyang katangahan at kamangmangan sa mga pangunahing isyu ng bayan, pero hindi natitinag. Ang pinakamasakit – hindi siya marunong umamin at tumanggap ng katwiran.

Sa usapin ng West Philippine Sea, walang sinabing tama si Rodente. Mistulang naging taksil sa bayan, o Makapili, si Rodente pero hindi siya natitinag. Wala na siyang natitirang kredibilidad. Hindi ako nagtataka kung tumanggap siya ng bilyong pisong pabuya mula sa China. Si Rodente ang taksil sa bayan na nagpapanggap na makabayan.

Masakit na biro ang sinabi ng ilang netizen. Hindi na bayong ang suot ng mga makabagong Makapili. Nakasuot ng peluka tulad ni Rodente. Lahat kay Rodente ay peke at kasama na ang kanyang buhok. Huwad na nilalang.

***

Tagumpay ang paglulunsad noong Sabado ng aking ikatlong aklat – “KILL KILL KILL Extrajudicial killings in the Philippines; Crimes Against Humanity v. Rodrigo Duterte Et. Al.” – sa Bulwagang Plaridel ng National Press Club. Maraming dumalo na mga kaibigan, kaututang dila, at dating kaututang baso, mga kasama sa pamamahayag,iskolar, mga katalamitam, kakampi, at mga tagapagtaguyod ng iba’t ibang simulain. Sinadya kong hindi nangumbida ng mga pulitiko upang huwag makulayan ng pulitika ang okasyon at kahit ang aking aklat.

Nagkaroon ng programa kung saan ipinahayag ni Boying Abasola na pasiglahin pa ang mga aktibidad sa NPC. Si Boying ang kasalukuyang pangulo ng NPC. Ipinaliwanag ni Dante Zamora ang kahalagahan ng dokumentasyon ng masaklap na yugto sa ating kasaysayan kung saan ipinapatay ni Gongdi ang mga adik at tulak ng droga kahit walang pangingibabaw ng batas.

Ipinakilala ni Philippine Star columnist Jarius Bondoc ang inyong lingkod at ipinaliwanag niya ang pinagsamahan namin sa daigdig ng pamamahayag. Dati kong patnugot sa isang ipinasarang pahayagan si Jarius. Ganap ng bulag si Jarius dahil sa sakit na glaucoma, ngunit dumating siya sa okasyon at nakisalamuha sa ibang panauhin.

Bumasa si Ruby Paredes-Macario ng ilang tula ni National Artist for Literature Virgilio Almario na kilala sa pen name na Rio Alma. Tumugtog rin ng ilang piyesa ang batikang violinist Jay Cayuca. Nagsilbing emcee ang aking natatanging kaibigan na si Teri Sciascia. Teka nga pala, si Lito Gagni ang umusal ng panimulang dasal.