Advertisers
PINAGTIBAY ng House Plenary ang pagbabasura sa dalawang reklamong impeachment laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. matapos na ideklarang kulang ito sa substansiya.
Sa botong 284 pabor sa pagbabasura, 8 tutol, at 4 abstention, inaprubahan ng Kamara nitong Martes, Pebrero 10, ang rekomendasyon ng House Committee on Justice na ibasura ang dalawang reklamong impeachment laban sa Pangulo.
Pinagtibay ng plenaryo ang Committee Report No. 111 na inihain ng Committee on Justice kaugnay ng House Resolution No. 746, na naglalayong ibasura ang mga reklamong isinampa nina Atty. Andre R. De Jesus at ng grupong pinangunahan nina Liza Maza, Teodoro Casiño, Renato Reyes Jr., at Atty. Neri Colmenares laban kay Pangulong Marcos.
Sa sponsorship speech niya noong Lunes, sinabi ni House Committee on Justice Chairperson, Representative Jerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas, na ang desisyon ng komite ay nakabatay sa 1987 Konstitusyon, mga desisyon ng Korte Suprema, at sa House Rules on Impeachment.
Ayon kay Luistro, ang mga reklamong “fundamentally insufficient in substance”, dapat ibasura at hindi gawing kasangkapan ng pulitikal na palabas.
Binigyang-diin niya na bagama’t ang impeachment, isang mekanismo ng pananagutan, may malinaw itong limitasyon at kailangang sumunod sa mahigpit na pamantayang itinakda ng Konstitusyon.
Ipinaliwanag ni Luistro na bagama’t ang dalawang reklamo, idineklarang sapat sa porma matapos ang pisikal na pagsusuri ng mga dokumento, nabigo ang mga ito sa mas mahigpit na pagsusuri ng ‘sufficiency in substance’.
Ayon sa kanya, ang sufficiency in substance ay nangangailangan ng malinaw na salaysay ng mga panghuling katotohanan na suportado ng personal na kaalaman at awtentikong dokumento, at hindi maaaring ibatay lamang sa haka-haka o hearsay.
Sa reklamo ni De Jesus, sinabi ni Luistro na walang matibay na ebidensiya upang suportahan ang mga alegasyon kaugnay ng foreign policy, umano’y paggamit ng ilegal na droga, budget veto, graft and corruption, at pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure.
Aniya, ang hindi pagkakasundo sa polisiya ng pamahalaan ay hindi maituturing na impeachable offense.
Dagdag pa niya, ang mga paratang ng drug use ay walang kalakip na sinumpaang salaysay, testimonya, o beripikadong rekord, habang ang mga alegasyon ng katiwalian at kickback ay batay lamang sa hindi beripikadong materyales.
Samantala, idineklara rin ng komite na kulang sa substansiya ang reklamong inihain ng grupong Maza, kabilang ang mga alegasyon kaugnay ng tinaguriang “BBM Parametric Formula,” unprogrammed appropriations, at uma-no’y budget insertions.
Ayon kay Luistro, ang mga di-perpektong poli-siya o desisyong pampamahalaan, hindi awtomatikong maituturing na impeachable offense.
Sa naging botohan ng komite, 42–1 na idineklara ang reklamo ni De Jesus bilang insufficient in substance, habang nabigo ang mosyon na ideklarang sapat sa substansiya ang reklamong Maza et al., na nakakuha lamang ng pitong boto laban sa 39.
Binigyang-diin ni Luistro na ang naging aksiyon ng Kamara ay nagpapakita ng pagsunod sa Konstitusyon at sa tuntunin ng batas.
“Malinaw na pahayag na ito na sa bulwagang ito, nangingibabaw ang Rule of Law kaysa sa Rule of Rhetoric,” diin ni Luistro.