Advertisers

Advertisers

Kasong economic sabotage isinampa vs sangkot sa iligal na yosi

0 14

Advertisers

Pinaigting ng pamahalaan ang kampanya laban sa tobacco smuggling nang sampahan ng patung-patong na kasong agricultural economic sabotage (RA 12022) ang mga sindikatong nasa likod ng bilyon-bilyong pisong lugi sa buwis.

Sa kasalukuyan, may siyam na aktibong kaso ng agricultural economic sabotage sa bansa, kung saan anim dito tungkol sa malakihang puslit ng sigarilyo.



Base sa datos ng National Tobacco Administration (NTA), aabot sa P146.45 milyon ang halaga ng mga nasabat na sigarilyo sa anim na kasong ito.

Inaasahan pang lolobo ang halaga kapag natapos ang imbentaryo sa isang bodega sa Bulacan na sinalakay noong nakaraang taon.



Dahil dito, 26 na respondents na ang kalaboso dahil sa paglabag sa Section 7 ng RA 12022.

Maaaring humarap ang mga suspek sa higit P1 billion na combined penalties.



Hindi lang sa lupa, kundi maging sa karagatan ay tinatrabaho ng mga awtoridad ang pag-arest sa mga smuggler.  Sa Basilan, aabot sa P14.5 milyong halaga ng puslit na yosi ang naharang sa dagat noong Hulyo 2025.

Sa Palawan, tinatayang P24.57 milyon ang nasabat sa isang maritime operation. Sa Negros Occidental at Davao City, P13.3 milyon at P30.1 milyon ang nasakote noong Oktubre. Sa Zamboanga City, itinuturing na “biggest haul” ang paghuli sa kontrabando na halos P64 milyon.

Sinalakay din ang isang dambuhalang pabrika ng pekeng sigarilyo sa Pampanga kung saan nailigtas ang mga Pilipino na pinagtatrabaho sa “inhumane conditions,” habang arestado ang mga dayuhang operator nito.

Nanawagan naman si Senador Win Gatchalian para imbenstigahan ng Senado ang mga kaso at mahanap ang mga “corrupt insiders” na posibleng kasabwat ng mga sindikato. Aniya, hindi lang buwis ang nawawala kundi nanganib din ang kalusugan ng publiko.

Sa Kamara, hinirit ni Marikina Rep. Miro Quimbo ang imbestigasyon nang maharang ang 32 truck noong Enero 1 na may kargang P2.6 bilyon halaga ng yosi.

“Kung hindi napipigilan ang malakihang smuggling, bumabagsak ang presyo ng sigarilyo at nababalewala ang epekto ng sin taxes,” giit ni Quimbo.

Nagbabala naman si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na hindi sila titigil hangga’t hindi nauubos ang mga storage hub ng mga iligal na sigarilyo.

Alinsunod sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos at DILG Secretary Jonvic Remulla, target ng PNP ang mga runners, warehouse operators at ang mga tunay na “mastermind” sa likod ng bilyon-bilyong pisong smuggling, ayon kay Nartatez.