Advertisers
Nabigo ang tangkang pagpupuslit ng iligal na droga nang masamsam ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang P278 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa Manila International Container Port (MICP).
Ipinakita nina Customs Commissioner Ariel Nepomuceno at Interior Secretary Jonvic Remulla ang 41 kilo ng shabu na nasabat sa loob ng MICP noong Martes.
Ayon sa mga awtoridad, nagmula sa Afghanistan ang iligal na droga.
Nakatanggap ng intelligence report ang BOC mula sa PDEA noong Disyembre 2, 2025 kaugnay ng isang shipment mula Afghanistan na hinihinalang naglalaman ng mapanganib na droga. Dahil dito, agad na nagsagawa ng mahigpit at tuluy-tuloy na joint monitoring ang BOC at PDEA sa pamamagitan ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF), Enforcement Group–Enforcement and Security Service (EG-ESS), at Intelligence Group–Customs Intelligence and Investigation Service (IG-CIIS), katuwang ang PDEA.
Dumating sa MICP ang shipment noong Disyembre 31, 2025 at idineklarang “marble.” Gayunman, walang naisumiteng goods declaration sa loob ng itinakdang 15 araw, dahilan upang ideklara itong abandoned alinsunod sa patakaran ng Aduana.
Bago pa man ideklarang abandoned, isinailalim na ang container sa non-intrusive inspection, K9 sniffing, at pisikal na pagsusuri bilang bahagi ng standard joint enforcement procedures.
Noong Enero 8, 2026, nakapagtala ng kahina-hinalang imahe ang x-ray scanning sa itaas na bahagi ng container. Kinumpirma ito ng K9 operation nang magbigay ng positibong indikasyon ang narcotics detection dog sa presensya ng iligal na droga, na lalong nagpatibay sa intelligence at risk assessment ng PDEA.
Upang matiyak ang masusing inspeksyon, naglabas ng Pre-Lodgement Control Order (PLCO) noong Pebrero 4, 2026 na nag-aatas ng 100 porsiyentong pisikal na pagsusuri. Isinagawa ang nasabing inspeksyon noong Pebrero 9, 2026, kung saan nadiskubre ang puting pulbos na itinago sa loob ng container.
Kinumpirma ng PDEA na Methamphetamine Hydrochloride o shabu ang nasabing substance.
Sa pinakahuling imbentaryo, umabot sa 131 piraso ng hinihinalang mapanganib na droga ang narekober, na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 41 kilo. Tinatayang nagkakahalaga ang mga nasabat na iligal na droga ng P278 milyon, base sa presyong P6.8 milyon kada kilo.
Muling iginiit ng BOC at PDEA ang kanilang pangako na patatagin pa ang intelligence sharing at pinagsamang operasyon upang maprotektahan ang hangganan ng bansa at matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad.(BP)