Advertisers

Advertisers

Impeachment vs VP Sara, isa bang laro ng kapangyarihan?

0 33

Advertisers

Umiinit na ang isyu kaugnay sa planong “patalsikin” si Vice President Sara Duterte sa paraan ng impeachment. Totoo bang kaya naging masalimuot ang usapin sa impeachment complaint laban kay VP Sara ay dahil tila’y nakaposisyon na sa Senado ang magiging direksyon ng proseso sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, katuwang si Senate Pro Tempore Panfilo Lacson? Ha! Totoo ba may direksyon nang nakaumang? Haka-haka niyo lang iyan!

Sinasabi na ang direksyon sa pagkakataon ngayon ay hindi na malulusutan ni VP Sara ang impeachment. Bakit naman? Ang pagdududa ay umugong nang mistulang kinokontra ni Sotto ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara bilang unconstitutional sa naunang impeachment complaint laban sa Bise Presidente. Ganoon ba?

Heto pa, binigyang-kahulugan pa ang kanyang pahayag ni Sotto bilang pagsuporta sa Charter Change, lalo na sa usapin sa mga probisyong may kinalaman sa impeachment process. Ano pa man, wala pa naman inilalatag kaugnay nito.

Umusbong ang pagdududa sa ikinikilos ng dalawang senador nang kwestyunin ni Sotto ang Korte Suprema sa desisyon nitong ideklarang unconstitutional ang naunang impeachment complaint laban kay Sara.

Ang reklamo ni Sotto laban sa Supreme Court Resolution ay lumalabas na panawagan na magkaroon ng Charter Change para mapigilan ang Korte Suprema sa pagdagdag ng mga requirements ng isang impeachment complaint.

Isa nga bang disksarte ang galawan ni Sotto – ang pagsulong sa Charter Change upang manatili pa siya sa posisyon – Senate President? Batid naman natin na may natitira pang dalawang taon bago matapos ang 20th Congress. Aba’y kapit-tuko ang paglalarawan sa mga taong ganiyan ha! Ganito bang karakter mayroon si Sotto?

Lalo na nang umugong ang posibleng pagbabago sa liderato ng Senado, – naging bulong-bulungan na si Sen. Loren Legarda ang posibleng ipapalit kay Sotto.

Sa kabilang dako naman, lumabas sa media ang draft report ng Senate Blue Ribbon Committee na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kaso laban kina Senators Francis Escudero, Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva kaugnay ng isyu sa flood control funds. Sa ngayon, wala pang pinal na rekomendasyon ang Department of Justice o Office of the Ombudsman.

Ayon kay Lacson, maaaring magkaroon ng pagbabago sa pinal na bersyon ng ulat, ngunit mananatili umano ang nilalaman o substance nito. Habang nagpapatuloy ang mga diskusyon, nakatuon ang pansin ng publiko sa magiging direksyon ng Senado sa mga susunod na buwan, lalo’t papalapit ang 2028 elections.