Advertisers
Sinampahan na ng grupo ng mga abogado ng indirect contempt sa Korte Suprema si Senate President Vicente “Tito” Sotto III , nitong Biyernes ng hapon, Pebrero 13.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon sina Atty. Ferdinand Topacio, Manuelito Luna at Harold Respicio. Sinuportahan sila ng dating kongresistang si Jing Paras.
Ayon sa kanila, may mga pahayag si Sotto na “tend to demean and destroy the credibility” ng Korte Suprema.
Kaugnay ito sa naging komento ni Sotto sa desisyon ng Korte Suprema sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Atty. Topacio, tila minamaliit ni Sotto ang Korte Suprema sa mga naging pahayag niya tungkol sa desisyon ng SC sa impeachment complaint ni VP Sara.
Giit ni Topacio, maaring makasira ang ilang pahayag ni Sotto sa reputasyon ng Korte Suprema at mapagpababa ng tiwala ng publiko sa hudikatura.
Lumalampas din aniya sa “legitimate commentary” ang mga sinabi ni Sotto at nakasisira na sa kredibilidad ng SC, kabilang ang pahayag na mas magaling pa ang first year law student kaysa sa mga mahistrado at hindi umano naintindihan ni Senior Associate Justice Leonen ang Konstitusyon.
Paglilinaw din ni Topacio na ang paghahain ng petisyon ay hindi layong patahimikin si Sotto ngunit dapat aniyang sumunod ito sa limitasyon ng batas sa contempt.
Hinamon din niya ang Integrated Bar of the Philippines na ipagtanggol ang Korte sa halip na manahimik.
Pinuna rin niya ang patuloy na pagkolekta ng IBP ng membership does pero hindi naman ipinagtatanggol ang Korte Suprema.
May plano rin daw ang grupo na magsampa ng ethics complaint laban kay Sotto.(Jocelyn Domenden)