Advertisers

Advertisers

“State witness, protektado; hustisya ng biktima nababaon?”

0 23

Advertisers

Dumulog ang isang babaeng ginahasa noong 16-anyos pa lamang ito sa Citizens Crime Watch (CCW) dahil sa umano’y “cover-up” sa loob mismo ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng preliminary investigation sa kanyang kaso.

Sa sulat-kamay na ipinadala kay CCW president Diego Magpantay, sinabi ni “Grace,” na ngayon, 21-anyos na siya, pakiramdam niya may diskriminasyon.

Aniya, ang respondent na si Julilie Patidongan alyas “Dondon”, isang “kilalang indibidwal” at tila binibigyan umano ng “preferential treatment” o espesyal na pagtrato dahil isa itong state witness sa isang high-profile case na prayoridad ng gobyerno.



Ayon sa biktima, ramdam niya ang diskriminasyon at tila pagbalewala sa kanyang reklamo dahil isang “kilalang indibidwal” ang respondent na aniya’y tila protektado.

Mas tumitindi pa ang isyu, ayon sa abogado ng biktima na si Atty. Glessa Janolino, dahil sa umano’y asal ng kampo ng akusado at maging ng mga nag-iimbestigang piskal.



“Hindi nagbibigay ng kumpiyansa na patas ang pagtrato sa kaso. Paulit-ulit naming nararamdaman na tila protektado si Mr. Patidongan sa DOJ,” pahayag ng abogado.

Dagdag pa niya, pakiramdam umano ng kanyang kliyente, muli siyang “binibiktima” ng sistema.



Lumilitaw ang seryosong tanong: May espesyal bang pagtrato kapag mahalagang testigo ang akusado ng gobyerno? Kung totoo ang alegasyon, mas mabigat ito kaysa sa mismong kaso dahil hindi lamang hustisya ng isang biktima ang nakataya, kundi ang kredibilidad ng sistema ng hustisya mismo.

Kapag ang isang rape victim nagsasabing pakiramdam niya’y muli siyang binibiktima ng proseso, malinaw na may problema sa paraan ng paghawak ng kaso. Hindi dapat pumapabor ang hustisya sa sinumang may “halaga” sa estado.

Samantala, tiniyak naman ni CCW chairperson na si Ferdinand Topacio na hindi nila pababayaan ang biktima.

“Buong-buo ang suporta namin sa kanya, legal, moral, at kahit personal counseling kung kinakailangan,” ani Topacio.

Sa gitna ng mabigat na paratang, nananawagan ngayon ang biktima ng patas at transparent na imbestigasyon, iginiit nito na walang sinuman, gaano man kakilala o kaimpluwensya, ang dapat umanong manaig sa hustisya.