Advertisers
INIHAYAG ni Interior and Local Government Sec Jonvic Remulla na sinimulan na nila ang paghahanap o pagsubaybay sa co-perpetrators o mga kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kinakaharap nitong kasong crime against humanity sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay SILG Jonvic Remulla, aware ito sa mga pangalang nabanggit sa dokumentong inilabas ng ICC at kahit wala pang arrest warrant ay tine-trace na rin nila ang kinaroroonan ng mga ito.
Tumanggi naman si Remula na magbigay ng kaukulang detalye sa mga posibleng kinaroroonan ng sinasabing mga co-perpetrators ni Duterte.
“We are getting all the records, we should have them by this week. I think 2 are abroad, 2 ang nasa Amerika pero makukuha at makukuha yan. I will give you the full details next week,” saad ni Remulla.
Nabatid na kabilang sa mga pangalang nasa dokumento mula sa ICC ay sina Senator Ronald “Bato” dela Rosa, Senator Christopher “Bong” Go, ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) at mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Si Duterte ay nahaharap sa kasong crime against humanity sa ICC hinggil sa inilunsad na war on drug noong kanyang administrasyon na ikinasawi ng libo-libong mga Filipino. (Mark Obleada)