Advertisers
HABANG nasa kainitan ng pagbabasa ng confirmation charges laban kay dating Pangulo Rody “Digong” Duterte sa International Criminal Court (ICC) nitong Martes ay may sumulpot na 18 ex-Marines kuno kasama ang abogadong si Levi Baligod na nagpa-press conference, isiniwalat na nag-deliver sila ng P805 billion kina President “Bongbing” Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ang nasabing pera ay ibinigay daw kay dating Senador Antonio Trillanes para naman sa pondo ng ICC kungsaan nakasakdal si Digong.
Pero sa initial na imbestigasyon, nalaman na apat sa nasabing Marines ay hindi miembro ng Philippine Marine Corps o ng Armed Forces of the Philippines (AFP), habang ang iba pa ay mga “honorable” discharge.
Naalala ko tuloy si Orly Guteza, na miembro rin kuno ng Marines, na inilabas noon nina Mike Defensor at Senador Rodante Marcoleta sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa anomalya sa flood control projects, kungsaan nagkautal-utal ang una sa pagbasa sa kanyang testimonya, na pagkatapos ng pagdinig ay hindi na ito nakita hanggang ngayon.
Ayon kay Trillanes, walang katotohanan ang isiniwalat ng 18 Marines. Idedemanda raw niya ang mga ito sa pagkakalat ng kasinungalingan.
“This is not new to me. I will not be distracted. Hahabulin ko kayo,” ngitngit ni Trillanes.
Kung sino man ang nasa likod nitong 18 Marines kuno, na maaring ang rason ng pagsulpot ay para hikayatin ang AFP mag-aklas laban kay Pangulong Marcos Jr. at guluhin ang pagdinig ng ICC sa kaso ni Digong, nagkamali sila sa kanilang hakbang dahil hindi ito kinakagat ng AFP, at posible pang ikagalit ng ICC judges sa kampo ni Duterte. Mismo!
Si Baligod, para sa kaalaman ng lahat, ay abogado ni ex-Ilocos Sur Governor Chavit Singson, na nahaharap sa P150 million Plunder at nangunguna sa mga aksyon para pabagsakin ang administrasyong Marcos.
Naniniwala ako na itong 18 Marines na ito ay mag-ala Guteza rin na hindi mahagilap pagkatapos ng kanilang “expose”. Peksman!
***
PROJECT TOKHANG’ NI DIGONG TINARGET ANG MGA MARALITA
“It was said that the ones we had to do the Tokhang operation on had to be poor, those who do not have the means to file a complaint or to complain,” sabi ni ICC Trial Lawyer Edward Jeremy base sa salaysay ng isang testigo.
Iprinisinta ni Jeremy ang ilang official documents ng “Oplan Double Barrel” at “Project Tokhang” bilang patunay na direktang iniutos ni noo’y Pangulong Duterte at noo’y PNP chief Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na likidahin ang mga pinaghihinalaang drug personalities, partikular ang mga nasa maralitang komunidad.
Sa kanyang pagharap sa ikalawang araw ng confirmation of charges hearing sa ICC, sinabi ni Jeremy na bukod sa pagbibigay ng pabuya at promotion sa mga pulis na papatay ng mas maraming drug personalities, tiniyak din ng dating Pangulo na sila ay mabibigyan ng presidential pardon sakaling sila ay maipit sa kanilang isinagawang operasyon.
“Based on what we’ve seen here in the Philippines, the people we’ve killed or could be killed were poor, people with no means, simple people who were not able to file charges,” pagbahagi ni Jeremy sa salaysay ng isang tumestigo laban kay Duterte.