Advertisers

Advertisers

BUENAS AT MALAS

0 8

Advertisers

SUMIKLAB ang kamakailan ang digmaan sa Gitnang Silangan sa pagitan ng mga bansang Iran at ang magkasabwat na Israel at Estados Unidos ni Donald Trump.

Bagaman lumalabas sa mga resulta na agad nakapuntos ang Estados Unidos o Amerika dahil napatay sa una pa lang na pagsalakay ang lider ng Iran ay hindi maitatatwa na mayroong mga nadamay na ibang bansa.

Ilang paliparan ang binomba ng Iran tulad na lamang doon sa Dubai Airport bilang isa mga taktika nito sa ginawang pambobomba sa kanilang bansa ng Israel at Amerika na pihadong may epekto sa ekonomiya ng mga naturang bansa.

Subalit ang totoo ay buong mundo ang apektado dahil sa usapin ng presyo ng langis lalo na sa mga maliit at naghihikahos na mga bansa tulad ng Pilipinas na umaasa sa suplay mula sa ibang bansa lalo roon sa Gitnang Silangan.

Bukod pa riyan ang posibleng pag-uwi ng marami sa ating mga kababayan na Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa mga apektadong bansa na tiyak lalatay sa ekonomiya ng Pinas na umaasa rin sa mga pinadadalang pera na kung tawagin ay ‘remittances’.

Buenas naman kung ituring ito ng ilan sa mga politiko lalo yung mga nahaharap sa paratang ng pandarambong sa kaban ng bayan partikular na ang tinarantadong ‘flood control projects’ dahil posibleng matakpan ang isyung ito ng epekto ng naturang digmaan.

Makatwiran para sa mga mandarambong na ituon ang pansin sa magiging epekto ng digmaan upang unti-unting malimutan kahit sandali man lang ang isyu ng mga tinarantadong proyekto na ang bida ay mga politikong umano’y nagkamal ng bilyong piso.

Subalit malas naman sa administrasyong Marcos Jr. ang isyu ng digmaan dahil pihadong sa kanya ibubuntong ang sisi kapag sumirit na ang presyo ng petrolyo at tuluyang sumadsad pang lalo ang ekonomiya ng Pinas.

Dagdag ito sa mga kritiko na mahilig gumamit ng ‘dapat ganito, dapat ganyan’ na animo’y maalam pa sa mga sertipikadong ekonomista lalo na’t nasa kumunoy na tayo ng sangkaterbang utang na tinatawag na ‘dollar-based’ – kapag tumaas ang dolyar, taas din ang utang kahit walang bagong inutang.

Sa pangkalahatan na epekto ay masasabing malas ang naturang digmaan dahil Sambayanang Pilipino ang tatamaan ng kahirapan na idudulot nito subalit abot marahil hanggang tainga ang ngiti ng mga mandarambong dahil maibabaling sa iba ang atensiyon ng publiko. Huwag lang babagyo at babaha muli!