Advertisers

Advertisers

IWAKSI ANG POLITIKONG ABUSADO

0 19

Advertisers

Masakit sa mata ang kaganapan sa senado at ‘di natiis na masuka sa pakapalan ng mukha ng mga senador na sarili ang una at ‘di ang bayan. Ganap na nakakasuka at mapapamura sa tele-drama ang dating ng mga naggagalit-galitan, nag-iiyak iyakan na pinanood ng bayan. Ang dahilan kuno, inaatake ang tanggapan ng senado ng kung sinong grupo. Sa tele serye, nabatid na wala sa loob ng gusali ang inaakusahang umaatake at ang putukan narinig ay palabas ng mga taga-pagbantay sa gusali ng mga senador. Sa pagtakbo ng oras, silip ang mga pangunahing gumanap na tumalilis palabas upang itago o magtago ng ‘di madakip ang bida na kaibigan ng bata ni Batman. Sa paglipas ng araw, umeksena si Poison Ivy, nagtalumpati na umiiyak na walang luha dahil ‘di kinamusta at ‘di binatid ang kalagayan ng mga matagal na kasamahan sa oras na nagkaputukan sa tanggapang pinaglilingkuran. Banggit ang takot na may pag-iyak na walang luha sa paglalahad ni Ate ngunit kibit balikat ang mga kapwa orocan kasama sa tanggapan. Malinaw na ang relasyon sa mga kasama sa bugok na ay ganap na sari-sarili lang ang dala. Sabi nga, walang personalan, pera-pera lang.

Sa kabilang kabahayan, nasilip ang kagalingan ng mga kinatawan mula sa malawak na kapulungan higit sa pag-uusisa sa salang gawa ng abalang pangulo. Hindi nagpatumpik tumpik ang mga kinatawan na alamin ang salang gawa ng abalang pangulo higit sa panlulustay ng salaping bayan sa mga tanggapang pinamunuan. Sa totoo lang, ang salang gawa ng abalang pangulo ang dahilan sa pagkakahati – hati ng bayan. Silip ng mga panig ang ‘di maipaliwanag na pagtustos sa milyon milyong pondo ng mga tanggapan sa maikling panahon na ‘di tanggap ng mga bulag na taga-sunod ni Inday Salakay. Sa pagsisiyasat lumaki ng lumaki ang salang gawa ng abalang pangulo maging ang dami ng salapi na ‘di idineklara sa mga taunang paglalahad ng mga kawani ng pamahalaan. Sa totoo lang, ‘di sadyang nahukay ng malawak na kapulungan ang mga naunang transaksyon ng abalang pangulo higit sa panahon na naging lider ng bansa ang ama. Nabatid sa pagsisiyasat na may galawang ‘di ka-ibig ibig si Inday Salakay habang alkalde sa bayan na minsang pinamunuan. Marami ang nabatid ng Komite ng Katarungan sa malawak na kapulungan sa mga tagong transaksyon na labis na pinagkakitaan ng abalang pangulo at asawa higit ang (ka)laban sa droga.

Ang usapin sa pang-aabuso sa pwestong tangan ang tila karaniwan sa mga opisyal ng pamahalaan na ‘di nagkasya sa mga buwanang sahod. Silip ang marangyang buhay ng maraming halal ng bayan na ‘di mawari ni Mang Juan kung paano nakamit. O’ sadya mayaman, ngunit patuloy ang pagyabong ng kabuhayan habang ‘di makaabot sa tao sa laylayan ang programang pinopondohan. Sa pagsisiyasat, patuloy na lumalaki ang pagkakautang ng bansa habang lumalago ang kabuhayan ng maraming opisyal ng bayan, halal o itinalaga. Hirap na hirap na si Mang Juan sa mga bayarin at gastusin, mula ilaw, tubig, pamasahe ‘o baon ng mga anak na nag-aaral maging ang ‘di bumababang halaga ng mga bilihin. Samantala,‘di usapin sa mga opisyal ng pamahalaan ang mga tustusin sa tambad na dahilan, si Mang Juan ang may kargo.

Hindi maikakaila sa bayan ang mga anomalya sa pamahalaan na tila karaniwan na kailangang bigyan pansin ng mga namumuno. Ang naganap sa senado na palitan ng palitan sa liderato ang tuwirang dahilan na ‘di barya barya ang usapin sa liderato ng kapulungan. Ang mga inilalaan na pondo sa mga tanggapan ng pamahalaan na dumadaan sa mga kapulungan ang patunay na may anggihan ng salapi na pinaghahatian ng mga halal ng bayan. Hindi lingid kay Mang Juan ang mga “unprogrammed fund” na pumapasa sa mga kapulungan gayung walang tuwirang pagtutustusang proyekto. Hindi pa pinag-usapan ang mga “kickback” sa mga inutang ng pamahalaan na ‘di batid ni Mang Juan ang halaga na dagdag pasanin.

Makulay ang nangyari at mangyayari sa pamahalaan na ‘di kinalulungkot ng bayan sa dahilang walang tuwirang pakinabang. Marami ang ‘di nasisiyahan sa takbo ng pamahalaan higit sa galaw ng mga mambabatas na sarili ang itinutulak at ‘di ang kagalingan ng bayan. Kabi-kabila ang anomalya na inilabas ng pangulo subalit hindi kumilos upang panagutin ang mga may sala. O’ sadyang papogi at ‘di ibig lutasin ang mga usapin dahil sa pag-aalangan sa kinabukasan. Sa nasisilip na patuloy na walang kasagutan sa mga anomalya sa pamahalaan, ‘di maalis sa isip ng bayan na zarzuela, tele-serye o sadyang nilililo si Mang Juan ng mga palabas na ‘di matapos tapos. At ang huli, sorry ang bayan, ang weakest link.

Sa kaganapan sa bayan at pamahalaan, naisip ni Mang Juan na panahon ng baguhin ang uri ng pamahalaan, o maging ang saligang batas. Ang pagbabago ng saligang batas at uri ng pamahalaan ang tuwirang pag-isipan ng nasa pamahalaan ng may kalaliman para sa kagalingan ng bayan. Buwagin ang senado, ang tanggapan pangulo’t abalang pangulo at pag-isahin ang lehislatura. Magtalaga ng tamang tatao sa ehekutibo na magmumula sa mga kinatawan, tiyak na makakapisil ng may pagmamalasakit sa bayan sa dami ng mga mahuhusay na kinatawan. Isang mungkahi ang banggit sa itaas na maaring pag-isipan, o’ ibang uri ng pamahalaan na bayan ang makikinabang.

Sa totoo lang, maraming uri ng pamahalaan ang paghahalawan na makikinabang ang bayan at higit na bababa ang pag-unlad sa tao sa laylayan. Pangalawa, mababawasan ang tustusin ng pamahalaan sa mga proyektong multo, sa sahod ng mga kawatan na puro papogi. Mayaman ang bansa higit sa likas yaman na ‘di napapakinabangan ng karaniwang tao. Panahon ng alisin ang mga dorobo sa pamahalaan at pakinabang ng tao ang unahin. Ang mapalitan nang mga lider na una ang bayan ‘di bale ang sarili ang nais na makaupo kahit sa ilang panahon sa buhay ni Mang Juan. Ang masilip na umuunlad ang bansa ang ibig maganap sa mga huling mga panahon sa mundong ginagalawan. Ang pakinabang sa nakakarami ang ibig, iwaksi ang mga abusadong politiko, abusado sa kapangyarihan higit sa salaping bayan. Sa bayan, palayasin ang mga dorobo sa pamahalaan para sa kinabukasan ng salinlahi.

Maraming salamat po!!!!