Advertisers
WALA na talagang sinasanto ang mga kawatan.
Dalawang simbahan sa bayan ng San Miguel ang ninakawan ng mga sagradong gamit nito lamang Sabado de Gloria.
Ayon kay Rev. Fr. Abel A. Sampana, Rector at Kura Paroko ng Saint Michael Church, Sabado de Gloria matapos ang misa, nadiskubre ni Eris Martin nang tangalin ang tabing ng mga Santo sa loob ng simbahan na wala na ang mahalagang gamit ni San Miguel Arcangel na Sibat, Kalasag, Espada at dalawang Pakpak na yari sa Pilak.
Ayon kay Eris, bagama’t hindi maituturing na antique ang gamit ng Santo, dahil ipinagawa lamang ito noong Pandemic time ng 2020 matapos nakawin din ang orihinal taon 2000.
Kasabay nito pinagnakawan din ang Parokya ni Mahal na Birheng Mapanglunas sa Brgy, Sibul Spring, tinanggay ang baso ng lalagyan ng alak ng pari, na kilala sa tawag na Kalis, Ostensoryo, at Krusipijo.
Sinabi ni Fr. Sampana, sana’y makunsensya ang gumawa nito, o maibalik ang gamit ng patron na yari sa pilak, na marahil natukso lamang ang gumawa nito, maging ang ninakaw sa Parokya ng Sibul, na maibalik dahil sagradong gamit ito.
Samantala, pinatutukan ni OIC PNP Provincial Colonel Jay B. Baybayan ang pag-iimbestiga sa nakawan na nangyari sa dalawang simbahan upang maibalik ang mga ninakaw at mapanagot ang nasa likod ng nakawan.
Pinasusuri sa mga awtoridad ang lahat ng CCTV footages sa paligid ng mga nabangit na simbahan.
Kasunod nito, nag-alok ng P200K pabuya si Mayor Bong Alvarez sa mga magbabalik at makapagtuturo sa mga magnanakaw, habang naglaan ng P400K si 3rd District Congressman Cholo Violago sa mga salarin. (Thony Arcenal)