Advertisers
UMAABOT sa 105 pulis sa Puerto Princesa City ang inalis sa kanilang puwesto upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa insidente ng pamamaril noong Biyernes Santo na ikinasawi ng dalawang pulis at isang tauhan ng Bureau of Corrections.
Ayon kay Police Regional Office Mimaropa Director, Brigadier General Jovencio Badua Jr., ang mga pulis na pawang nakatalaga sa Puerto Princesa City Police Station 2 ay inilipat sa ibang police station sa lungsod simula Martes, Abril 7. Pansamantala silang papalitan ng mga tauhan mula sa ibang istasyon.
Ayon kay Badua, nag-ugat ang insidente sa gulo sa isang burol sa Barangay Irawan, Biyernes Santo ng gabi, na kinasangkutan ni BuCor Corrections Officer 1 Jerson Talon at mga kasama nito, at nina Police Corporal Renato Bendaña at Police Staff Sgt. Jonah Balangan.
Sinabi niya na bumalik sina Bendaña at Balangan sa kanilang istasyon at humingi ng tulong kina Staff Sgts. Ryan Cris Cabaña, Jayson Fernandez, Michael Juan, at Joseph Ian Carpio upang komprontahin si Talon.
Nagkaroon ng maikling palitan ng putok nang sumugod umano kay Bendaña ang ilan sa mga kasama ni Talon. Pitong basyo ng bala ang narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan.
Lumabas sa forensic examination na tatlo sa mga narekober na basyo ay tumugma sa bala mula sa baril ni Talon, dalawa sa baril ni Bendaña, at dalawa pa sa baril ni Cabaña, ayon kay Badua. Idinagdag niya na nagpositibo rin sa paraffin test sina Talon at Cabaña, indikasyong nagpaputok sila ng armas.
Lahat ng anim na pulis na nasangkot sa insidente ay pawang nakatalaga sa Puerto Princesa Police Station 2.
Nauna nang sinabi ni Philippine National Police chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na sina Bendaña, Balangan, Juan, at Carpio ay dinisarmahan at isinailalim sa restrictive custody habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Dahil sa insidente, inalis din sa puwesto ang station commander, ang city police chief, at ang provincial police director.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Nartatez, “Command responsibility applies to all levels—no ifs, ands, or buts. Either you show what leadership means, or give way to those who can do it.” (Boy Celario)