Advertisers
PITO sa bawat sampung (10) Pilipino ang sumusuporta sa pagsasagawa ng impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte.
Ito ang pahayag ni Terry L. Ridon, chairperson ng House Committee on Public Accounts mula sa Bicol Saro Party-list, na kinukumpirma ng pinakabagong survey ng OCTA Research ang pagkilala ng mga Pilipino sa bigat ng mga alegasyon laban sa Bise Presidente at sa pagiging lehitimo ng prosesong konstitusyonal na isinasagawa ngayon sa House of Representatives of the Philippines.
Ayon kay Ridon, isang abogado at miyembro ng House Committee on Justice, ipinakita ng “Tugon ng Masa” survey ng OCTA na isinagawa mula Marso 19 hanggang 25 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents, na 87 porsiyento ng mga Pilipino ang may kamalayan sa impeachment proceedings.
Lumabas din sa survey na 69 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat humarap sa paglilitis ang Bise Presidente sa Senate of the Philippines na uupo bilang impeachment court, habang 28 porsiyento ang tutol at 3 porsiyento ang hindi pa tiyak.
Pinakamataas ang suporta sa Visayas (83 porsiyento) at National Capital Region (81), kasunod ang Luzon (69). Kahit sa Mindanao, umabot sa 61 porsiyento ang suporta. Patunay na mayorya ang pabor sa lahat ng pangunahing rehiyon ng bansa.
“Pinapakita ng resulta ng survey na hindi fringe politics o simpleng bangayang pulitikal ang impeachment proceedings. Nakatuon ang pansin ng sambayanang Pilipino, at malinaw na naniniwala ang mayorya na dapat magpatuloy ang prosesong konstitusyonal tungo sa paglilitis,” ani Ridon.
Binigyang-diin din Ridon na isinagawa ang survey bago ang pagdinig Abril 14, kungsaan humarap ang testigong si Ramil L. Madriaga at ilang opisyal ng pamahalaan sa House Committee on Justice.
“Mahalagang tandaan na naitala ang mga bilang na ito bago pa man iharap ang karagdagang testimonya at mga dokumentaryong ebidensya noong pagdinig ng Abril 14. Ibig sabihin, mataas na ang suporta ng publiko sa pananagutang konstitusyonal kahit bago pa ang pinakahuling mga kaganapan,” dagdag niya.
Ayon pa kay Ridon, pinatutunayan ng resulta na nauunawaan ng publiko ang impeachment hindi bilang palabas na pulitikal, kundi bilang mekanismo ng pananagutan na nakalaan para sa pinakamabibigat na alegasyon laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa.
“Pinatutunayan ng mga resultang ito na nauunawaan ng sambayanang Pilipino ang tunay na diwa ng impeachment, na isang seryosong prosesong konstitusyonal upang matukoy kung ang mabibigat na alegasyon laban sa isang opisyal ay dapat litisin sa Senado,” ani Ridon.
Dagdag pa Ridon, magpapatuloy ang House Committee on Justice sa pagtupad ng mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga ebidensya at pagtukoy kung sapat ang batayan para sa impeachment.
“Hindi nakikibahagi ang Kamara sa pulitikal na palabas, kundi sa pagtupad ng isang seryosong tungkuling konstitusyonal. Patuloy na susuriin ng Komite ang mga katotohanan, testimonya, at dokumentaryong ebidensyang iniharap, at tutukuyin kung natugunan ang itinakdang batayan para sa impeachment,” aniya.
Dagdag ni Ridon, ipinapakita rin ng resulta ng OCTA ang inaasahan ng publiko na dapat hayaang gampanan ng mga institusyong konstitusyonal ang kanilang tungkulin nang walang panghihimasok.
“Mahigpit na nagmamasid ang sambayanang Pilipino. Nauunawaan nila ang bigat ng mga alegasyon, at inaasahan nilang gagampanan ng mga institusyong konstitusyonal ang kanilang tungkulin at hahayaang umusad ang proseso sa tamang daloy nito,” pagtatapos ni Ridon.