Advertisers
Ipinahayag ni Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales nitong Lunes na ang pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, nagpapakita na pumasok si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sa ikalawang quarter ng 2026 na may mas matibay na suporta mula sa publiko, isang senyales, aniya, ng muling pagbabalik ng tiwala sa kanyang pamumuno sa gitna ng mga hamon.
Tinukoy ni Khonghun ang poll para sa unang quarter ng 2026, na nagpakitang tumaas ang tiwala at performance rating ni Marcos habang bumaba ang antas ng pag-aalinlangan ng publiko.
“Malinaw ang sinasabi ng numero. Habang maingay ang pulitika at magulo ang mundo, mas dumarami ang Pilipinong nagsasabing may direksyon ang Pangulo,” ani Khonghun.
“Hindi ito sympathy vote. Hindi ito basta palakpakan lang. Pagtaas ito ng tiwala at performance rating sa panahong mahirap makuha ang isipan ng publiko,” dagdag pa niya.
Ayon sa ulat ng OCTA na inilabas noong Abril 21, umakyat sa 54 porsiyento ang trust rating ni Marcos sa unang quarter ng 2026 mula sa 48 porsiyento noong ikaapat na quarter ng 2025.
Tumaas din ang kanyang performance rating sa 55 porsiyento mula sa 51 porsiyento noong nakaraang quarter.
Inilarawan ng OCTA ang paggalaw bilang “rebound” sa parehong trust at performance, kasabay ng pagbaba ng ambivalence o pag-aalinlangan—na maaaring magpahiwatig ng mas malinaw at mas positibong pananaw ng publiko sa pamumuno ng Pangulo.
Isinagawa ang survey sa buong bansa mula Marso 19 hanggang 25, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondent na may edad 18 pataas.
Mayroon itong national margin of error na ±3 porsiyento sa 95 porsiyentong confidence level, habang ang subnational estimates para sa NCR, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao may ±6 porsiyento.
Binanggit din sa ulat na isinagawa ang survey sa gitna ng tensyonadong sitwasyon, kabilang ang mga unang yugto ng sigalot sa Gitnang Silangan, lumalalang geopolitical at economic uncertainties, at mga lokal na kaganapang pulitikal gaya ng impeachment process laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Khonghun, ang mahalagang punto sa findings ng OCTA, hindi lamang ang pagtaas ng ratings ni Marcos kundi ang pattern sa likod nito.
Sa buod ng OCTA, tinukoy ang “diverging public sentiment,” kung saan tumaas ang trust at performance ni Marcos habang naging mas hati ang pananaw ng publiko kay Bise Presidente Sara Z. Duterte.
Ipinakita rin sa ulat na ang pagtaas ng ratings ni Marcos, kasabay ng pagbaba ng pag-aalinlangan, ay indikasyon na mas maraming Pilipino ang nagkakaroon ng mas malinaw at mas positibong pagtingin sa kanyang pamumuno.
“Sa madaling sabi, kumakapal ang kumpiyansa at numinipis ang alinlangan,” ani Khonghun. “Kapag ganyan ang takbo ng survey, ibig sabihin hindi lang napapansin ang Pangulo, mas malinaw na ring pumapanig sa kanya ang taumbayan.”
Hindi lamang sa iisang rehiyon nakita ang pag-angat.
Ayon sa OCTA, ang trust ratings ni Marcos ay 51 porsiyento sa NCR, 59 porsiyento sa Balance Luzon, 54 porsiyento sa Visayas, at 45 porsiyento sa Mindanao.
Kumpara sa nakaraang quarter, tumaas ang trust ng 9 puntos sa NCR, 5 puntos sa Balance Luzon, 4 puntos sa Visayas, at 9 puntos sa Mindanao.
Sa performance, nakakuha si Marcos ng 53 porsiyento sa NCR, 57 porsiyento sa Balance Luzon, 56 porsiyento sa Visayas, at 51 porsiyento sa Mindanao.
Quarter-on-quarter, tumaas ang performance ng 10 puntos sa NCR, 5 puntos sa Visayas, at 9 puntos sa Mindanao, habang bahagyang bumaba ng 1 punto sa Balance Luzon ngunit nanatiling mayorya sa 57 porsiyento.
Para kay Khonghun, mahalaga ang mga numerong ito dahil ipinapakita nitong malawak ang base ng pag-angat.
“Hindi ito kuwentong pang-Metro Manila lang. Hindi rin ito iisang balwarte lang,” aniya. “Kapag may pag-angat sa NCR, may majority sa Balance Luzon at Visayas, at may malinaw na recovery kahit sa Mindanao, ang tawag diyan ay momentum.”
Makikita rin ang parehong pattern sa iba’t ibang antas ng lipunan.
Iniulat ng OCTA ang trust ratings ni Marcos na 52 porsiyento sa Class ABC, 55 porsiyento sa Class D, at 49 porsiyento sa Class E.
Sa performance, nakakuha siya ng 56 porsiyento sa Class ABC, 56 porsiyento sa Class D, at 48 porsiyento sa Class E.
Natuklasan din sa ulat na tumaas ang trust ng 6 hanggang 7 puntos sa lahat ng klase, habang ang performance ay tumaas ng 9 puntos sa Classes ABC at 4 puntos sa Class D, at nanatiling halos pareho sa Class E.
Ayon kay Khonghun, pinapabulaanan nito ang pahayag na makitid lamang ang base ng suporta sa Pangulo.
“Kapag tumataas ang tiwala sa ABC at D, at nananatiling halos mayorya sa E, ibig sabihin iba’t-ibang sektor ang may nakikitang maayos na pamumuno,” aniya. “Magkakaiba man ang dahilan ng bawat pamilya, iisa ang lumalabas sa survey: mas marami ang nagsasabing maayos ang direksyon ng Pangulo.”
Ipinakita rin ng ulat kung bakit mas matibay ang rebound.
Nasa 30 porsiyento ang distrust rating ni Marcos, habang bumaba sa 16 porsiyento ang undecided sa trust.
Sa performance naman, 26 porsiyento ang hindi nasisiyahan at 19 porsiyento ang undecided.
Ayon sa OCTA, mahalaga ang mga galaw na ito dahil ang pagtaas ng trust at performance, kasabay ng pagbaba ng pag-aalinlangan, ay maaaring indikasyon ng mas matatag na pananaw ng publiko, na may implikasyon sa pamamahala, pagtanggap sa mga polisiya, at political engagement.
“Hindi lang iyong umakyat ang pinakamahalagang numero rito. Mahalaga rin iyong bumaba,” ani Khonghun. “Kapag mas kaunti ang undecided, ibig sabihin mas malinaw ang hatol ng publiko. At sa quarter na ito, mas malinaw ang hatol nila pabor sa Pangulo.”
Dagdag pa niya, dapat basahin ang findings ng OCTA bilang parehong pagkilala at paalala.
“Pagkilala, dahil mas positibo ang tugon ng publiko sa pamumuno ni Marcos. Paalala, dahil ang mas mataas na numero ay nangangahulugan ng mas mabigat na responsibilidad na maghatid ng resulta.”
“Hindi medalya ang survey na isinasabit lang. Isa itong paalala na dapat ipagpatuloy ang trabaho,” aniya. “Ngunit malinaw ang mabigat na punto ng Q1 2026 OCTA survey: bumabalik ang tiwala, tumitibay ang performance rating, at mas dumarami ang Pilipinong naniniwalang si Pangulong Marcos ang may hawak ng manibela sa panahong kailangan ng malinaw na direksyon.”