Villar, naghatid ng tulong sa mga tsuper, riders at iba pang transport workers sa Pila, Laguna
Advertisers
Pila, Laguna — Pinangunahan ni Senador Mark A. Villar ang pamamahagi ng grocery packs at sako-sakong bigas sa mga benepisyaryo na binubuo ng jeepney drivers at operators, gayundin ng delivery riders, sa ilalim ng MARKalinga: Welfare Assistance Program for Drivers na ginanap nitong Biyernes ng hapon (April 24) sa Pila Municipal Grounds.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng senador na suportahan ang mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na nahaharap sa tumataas na presyo ng gasolina at iba pang suliraning pang-ekonomiya dulot ng umiiral na energy crisis.
“Patuloy nating susuportahan ang ating mga tsuper at riders na araw-araw na nagsusumikap para sa kanilang pamilya. Kaagapay ninyo kami sa gitna ng krisis, at lalo pa nating paiigtingin ang tulong upang makatulong sa inyong pang-araw-araw na pangangailangan,” ani Villar.
Bago rito, naging panauhing pandangal rin si Villar sa pagbubukas ng ika-10 PAILAH Festival 2026, na nagpapakita ng mayamang kultura, pamana, at lokal na produkto ng bayan ng Pila. Pormal ding pinangunahan ng senador ang ribbon-cutting ceremony para sa trade fair, kasama ang mga lokal na opisyal at iba pang stakeholder ng komunidad.
Matapos ang mga aktibidad, personal na nakipag-ugnayan si Villar sa mga miyembro ng sektor ng transportasyon at turismo, kung saan pinakinggan niya ang kanilang mga hinaing at hamong kinakaharap nila dahil sa tumataas na gastusin sa operasyon.
Ipinapakita ng aktibidad na ito ang mas malawak na adbokasiya ng senador na pagtulong sa mga sektor ng lipunan na apektado ng krisis. Nitong mga nakaraang linggo, inihain din ni Villar ang panukalang RELIEF Act na naglalayong magbigay ng direktang suporta sa mga low-income earners at iba pang sektor na apektado ng krisis.
“Kami naman ang lalapit at maghahatid ng tulong sa inyo. Kayo ay mahalagang bahagi ng ating ekonomiya, kaya patuloy kaming aalalay sa inyo,” pagtatapos ng senador.



