Advertisers

Advertisers

430K pamilya may bigas sa Caloocan

0 11

Advertisers

Sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang pagpapatupad ng Assistance to Indigent Individuals or Families – Food Assistance Rice Distribution Program (AIIF-FA-RDP) mula sa Local Government Support Fund (LGSF), upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain para sa mga pamilyang may mababang kita at iba pang sektor na higit na nangangailangan, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ang malawakang pamamahagi ng bigas ay pangungunahan ng City Social Welfare and Development Department (CSWDD), kung saan 10 kilo ng bigas ang ipagkakaloob sa humigit-kumulang 432,000 kwalipikadong kabahayan sa lungsod kada dalawang buwan, mula Mayo hanggang Disyembre 2026.
Tiniyak ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa kanyang mga nasasakupan na patuloy na magiging maagap ang pamahalaang lungsod sa paghahanap ng mga paraan upang maibsan ang epekto ng iba’t ibang suliraning pang-ekonomiya sa komunidad.
“Ito po ay isa lamang sa ating mga programa upang matulungan ang ating mga kababayan na magkaroon ng kasiguraduhan sa suplay ng pagkain lalo na ngayong patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” ani Mayor Along.
Binigyang-diin din ng alkalde na ang mga urban poor, minimum wage earners, persons with disabilities (PWDs), at iba pang kabilang sa vulnerable sectors ang patuloy na bibigyang prayoridad sa mga programang panlipunang proteksyon at tulong ng lungsod.
“Batid ko po na lahat tayo ay ramdam ang bigat ng mga pagbabago sa ekonomiya, ngunit kailangan po nating maintindihan na hindi pare-pareho ang epekto nito sa bawat pamilya,” pahayag ni Along.
“Kaya sa konting pagtaas lamang ng presyo ng bilihin, malaking bahagi agad ng budget ng mga nasa vulnerable sectors ang naaapektuhan. Kaya naman sila ang lagi nating uunahin na matulungan at hindi natin sila iiwanan,” dagdag pa ng alkalde.
Sa ngalan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, tinanggap din ni Mayor Along ang halagang Php 38.6 milyon mula sa Office of the President sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund.
Sa ilalim ng programang “Bawat Barangay Makikinabang,” inanunsyo ng alkalde na bawat barangay ay makatatanggap ng Php 200,000 na pondo mula sa naturang tulong pinansyal, na gagamitin para sa educational assistance at pagsuporta sa mga proyektong pangserbisyo publiko.(BR)