Advertisers

Advertisers

VISAYAS AT MINDANAO KUMALAS KAY VP SARA SA IMPEACHMENT

0 8

Advertisers

ISANG napakalaking mayorya ng mga mambabatas mula sa Visayas at Mindanao ang bumoto pabor sa impeachment ni Vice President Sara Z. Duterte, isang pangyayaring ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong nitong Martes ay nagpapakita na ang panawagan para sa pananagutan ay hindi lamang usaping rehiyonal o pampulitika, kundi umaabot na maging sa mga matagal nang balwarte ng mga Duterte.

Sa botong 257-25-9, inaprubahan ng House of Representatives ang Articles of Impeachment laban kay Duterte, kungsaan napakalaki ng suportang nagmula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay sa opisyal na tala ng Kamara, 43 sa 50 mambabatas mula sa Visayas ang bumoto pabor sa impeachment, habang 41 sa 61 kongresista mula sa Mindanao ang nagsabing “Yes”.

Ayon kay Alonto Adiong, winasak ng resulta ng botohan ang mga alegasyong ang impeachment ay itinutulak lamang ng Luzon o ng tinatawag na “Imperial Manila”.

“Hindi ito tungkol sa heograpiya o pulitika. Ito ay tungkol sa ebidensya, tungkulin sa Konstitusyon, at pananagutan sa sambayanang Pilipino,” ani Alonto Adiong.

Partikular ding kapansin-pansin, ayon sa kanya, ang naging resulta sa Davao Region, na matagal nang itinuturing na political bailiwick o balwarte ng pamilya Duterte.

Ayon sa opisyal na rekord ng Kamara, kabilang sa mga mambabatas mula sa Davao Region na bumoto pabor sa impeachment sina Reps. John Tracy Cagas, Leonel “Jhong” Ceniza, Jose Manuel “JM” Lagdameo, De Carlo Uy, at Carmen Zamora.

“Sa loob ng maraming dekada, malaking bahagi ng lakas pampulitika ng Duterte brand ay nagmula sa Mindanao, lalo na sa Davao. Kaya napakahalaga sa pulitika ng naging botong ito,” dagdag ni Alonto Adiong.

“Ipinakita nito na maging ang mga lider mula sa mga lugar na matagal nang iniuugnay sa mga Duterte ay naniniwalang dapat harapin ang seryosong mga usaping konstitusyonal,” aniya pa.

Sa Visayas, ipinakita ng rekord ng Kamara na napakalaki ng suportang pabor sa impeachment mula sa mga mambabatas ng Cebu, Iloilo, Leyte, Samar, Northern Samar, Eastern Samar, Bohol, Negros Occidental, Negros Oriental, Aklan, Antique, Biliran, Capiz, Guimaras, at Siquijor.

Sa Mindanao naman, lumabas sa tala na may suporta rin para sa impeachment mula sa mga kinatawan ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Caraga, BARMM, at Davao Region.

Ipinakita rin ng House tallies na matindi rin ang suporta mula sa Luzon, kung saan 125 sa 142 kongresista ang bumoto pabor sa impeachment.

Ayon kay Alonto Adiong, ang pambansang padron ng botohan ay sumasalamin sa lumalaking pag-aalala sa mga alegasyong maling paggamit umano ni Duterte sa P612.5 milyong confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol sa mga opisyal ng gobyerno, at pagbabanta umano sa buhay ng matataas na opisyal ng bansa.

Aniya, napakabigat at malinaw ng mga ebidensya at testimonya na iniharap sa pagdinig ng House Committee on Justice, at higit pa umano ito sa sapat upang bigyang-katwiran ang impeachment proceedings laban kay Duterte.

Nakatakdang ipadala sa Senado ang Articles of Impeachment para sa paglilitis.