Advertisers

Advertisers

JMielle nilinaw na ‘di magdyowa

0 2

Advertisers

By ARCHIE LIAO

Marami ang nakapansin sa kakaibang chemistry ng tambalang JMielle nina JM dela Cerna at Marielle Montillano na produkto ng isang singing talent competition.

Sa eye contact kasi nila, sa banter at maging sa timing pag nagpe-perform ay aakalain mo talagang may something o romansang namamagitan sa kanila.

Dahil din sa kilig na hatid ng kanilang tambalan, nagkaroon na sila ng following na nagro-root na magkatuluyan sila.

Sa isang panayam, nilinaw naman ng dalawa na friends lang sila at hindi magdyowa.

Ito ay kahit may nagdududa sa kanilang closeness.

Sa naturang tsikahan , naibahagi rin ni JM ang bashings at madalas na misconception tungkol sa kanya.

Kapag daw kasi may mga babae na lumalapit sa kanya kahit na iyong nagpapa-picture lang ay inaakalang dyowa niya.

Isa rin daw sa malupit na akusasyon na natanggap niya ay ang pagiging user diumano.

Nangyari lang daw ito nang mag-entertain siya ng gift sa fan na regalo sa kanyang nanay na nabigyan na ng ibang kulay.

Sa kaso naman ni Marielle, nagkaroon daw siya ng isyu noon nang ma-link siya sa kaibigan niyang lalake na incidentally ay miyembro ng LGBT community.

Tungkol naman sa pagkapanalo nila noon bilang kampeon sa isang singing impersonation show, hindi raw nila ini-expect ang naturang victory lalo pa’t malakas din ang laban ng mga katunggaling sina Alexa Ilacad, Jason Dy at iba pa.

***

Pagpapalabas ng ‘Love, NGO’ pinayagan na ng MTRCB matapos ang masusing review kasama ang NCDA

Matapos dumaan sa mahigpit na review process at serye ng konsultasyon kasama ang National Council on Disability Affairs (NCDA), pinayagan na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagpapalabas ng lokal na pelikulang Love, NGO na may R-16 classification.

Ang pelikula ay sumailalim sa pagsusuri ng isang Komite na binubuo ng mga abogado at Board Members na sina Cesar S. Pareja, Maria Gabriela R. Concepcion, at Mynoa R. Sto. Domingo.

Ang pelikula na produksyon ng Viva Communications, Inc. ay sumailalim sa masusing pagsusuri matapos magpahayag ng concern ang NCDA hinggil sa paraan ng pagpapakita nito sa mga persons with disabilities o PWDs.

Nakipagpulong din nitong Huwebes ang MTRCB sa pangunguna ni Chairperson at CEO Lala Sotto sa mga opisyal ng NCDA na pinamumunuan ni Executive Director Glenda Relova kasama ang mga producer ng pelikula upang linawin ang mga isyung ibinabato sa materyal.

Ayon sa Board, nakatuon ang naging pag-uusap sa pagtiyak ng sensitibo at responsableng pagtalakay sa mga PWD habang sinusuri rin ang kabuuang konteksto ng pelikula.

Bagama’t napansin ng MTRCB na may ilang eksena sa pelikula na maaaring maituring na diskriminasyon sa mga taong may speech impediment, at may madalas na paggamit ng maaanghang na mura at sexually suggestive na mga salita, sinabi ng Board na nakita pa rin nito ang “redeeming value” ng pelikula kapag tiningnan sa kabuuan.

Ayon sa MTRCB, nagbibigay umano ang pelikula ng ibang perspektibo sa paglalakbay at karanasan ng pangunahing karakter na isang PWD.

“The MTRCB appreciates the NCDA’s ongoing efforts to promote inclusive and respectful media portrayals,” ani Sotto.

Tiniyak din ng opisyal na katuwang ng MTRCB ang NCDA sa pagprotekta sa dignidad at maayos na representasyon ng sektor ng mga may kapansanan.

Muling binigyang-diin ni Sotto ang kampanya ng ahensya na “Responsableng Panonood” o Responsible Viewing, na layuning tulungan ang mga pamilyang Pilipino na makagawa ng tamang desisyon sa panonood habang sinusuportahan ang paglago ng industriya ng pelikula.

“Kami sa MTRCB, patuloy naming isinusulong ang Responsableng Panonood o Responsible Viewing. Layunin nitong tulungan ang mga pamilyang Pilipino na makagawa ng wastong pagpili habang sinusuportahan ang matatag at lumalagong industriya ng pelikula,” dagdag ni Sotto.

“Naniniwala kami na ang pagprotekta sa viewers ay responsibilidad ng lahat. Hindi ito nagsisimula at nagtatapos sa MTRCB lamang. Kabilang dito ang exhibitors, distributors, producers, at lahat ng bahagi ng cinema ecosystem,” saad pa niya.