Advertisers
PORMAL nang ilulunsad nitong Lunes, Hunyo 1, ang ‘Bantay Senado’, isang non-partisan citizens monitoring network na layuning bantayan at obserbahan ang nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ginanap ang public launch sa De La Salle University (DLSU) sa Taft Avenue, Manila, at pinangungunahan ang inisyatiba ng Team Pinas Foundation sa pakikipagtulungan ng DLSU.
Layunin ng Bantay Senado na tiyakin maisasagawa ang pagdinig sa impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo nang naaayon sa Konstitusyon, patas, transparent, at walang kinikilingan.
Iginiit ng grupo na wala silang kinikilingang panig sa usapin ng pagkakasala o kawalang-sala ni Duterte at nakatuon lamang sila sa integridad ng proseso.
Ayon sa organisasyon, magsisilbing “citizen watchdog” ang network upang mabantayan ang kilos at pagganap ng mga senador na magsisilbing hukom sa impeachment proceedings.
Bahagi rin ng kanilang layunin ang pagbibigay ng malinaw at wastong impormasyon sa publiko hinggil sa proseso ng impeachment upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon o disinformation.
Mahigit 350 boluntaryo mula sa iba’t ibang sektor ang dumalo at nakilahok sa monitoring network. Kabilang sa mga sektor na kinakatawan sa grupo ang mga estudyante, kabataang propesyonal, legal experts, civil society organizations, at iba pang mamamayang nais masiguro ang maayos na pagsasagawa ng impeachment trial.
Kabilang sa mga naging tagapagsalita sa programa sina Dr. Ederson Tapia, vice president for academic affairs ng University of Makati at pangulo ng Philippine Society for Public Administration; Dr. Jazmin Llana, dating dean ng College of Liberal Arts ng DLSU; Dr. Julio Teehankee, propesor ng Political Science sa DLSU; Prof. Cleve V. Arguelles, convenor at spokesperson ng Bantay Senado; Atty. Dino De Leon, human rights lawyer; at si Jeus Fajardo, pangulo ng De La Salle-College of Saint Benilde Student Government.
Ayon kay Arguelles, mahalagang bahagi ng demokratikong proseso ang pagsasagawa ng isang patas at walang kinikilingang impeachment trial. Aniya, hindi lamang sa prosecution panel o sa akusadong opisyal nakatuon ang pananagutan ng mga senador-hukom kundi sa buong sambayanang Pilipino.
Sa mga susunod na linggo bago magsimula ang paglilitis, plano rin ng Bantay Senado na magsagawa ng mga community town hall sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, maglunsad ng information campaign sa social media platforms tulad ng Facebook at TikTok, at magsagawa ng signature campaign upang hikayatin ang mas malawak na partisipasyon ng publiko.
Kapag nagsimula na ang impeachment trial, magde-deploy ang organisasyon ng mga sinanay na observers upang subaybayan ang mga pagdinig. Maglalabas din sila ng araw-araw na buod at pagsusuri sa iba’t-ibang wika, bukod pa sa paglalathala ng isang public scorecard na susukat sa pagganap ng mga senador-hukom at ng prosecution panel.
Sa gitna ng tumitinding interes ng publiko sa nalalapit na impeachment proceedings, inaasahang magiging isa ang Bantay Senado sa mga pangunahing grupong magbabantay upang matiyak na mananatiling bukas ang proseso, makatarungan, at naaayon sa mga prinsipyo ng demokrasya at Konstitusyon.