Advertisers
PINAKAMAGANDANG itigil na lang ng mga opinion polling firm ang mga survey ng mga kandidato na walang balak pumalot sa halalang panguluhan sa 2028. Walang saysay ang mga survey ng “hypothetical matchup” ng mga kandidato na hindi tatakbo sa halalan ng 2028.
Hindi pinapansin ni Leni Robredo ang sulsol ng mga tila baliw na tagahanga na tumakbo siya sa 2028. Ang muling pagtakbo sa halalan ng alkalde ng Naga City ang pinaghahandaan niya. Balewala sa kanya ang buyo ng kanyang mga tagahanda kahit lumiit ang lamang ni Misfit Sara sa kanya sa mga survey.
Nagsabi ang kampo ni Raffy Tulfo na huwag isama ang kanyang pangalan sa opinion poll ng halalang pampanguluhan dahil wala siyang plano pumalaot. Ang plano ni Raffy ay tumakbo muli bilang senador sa 2028 kaya hindi mahalaga sa kanya ang survey.
Bagaman nangunguna sa survey si Misfit Sara, hind rin nakakasiguro ang pangalawang pangulo kung makatakbo siya sa 2028 dahil nahaharap siya sa paglilitis sa Senate impeachment court. Kung mapapatunayan ang mga paratang sa kanya at bigyan siya ng hatol ng “guilty,” maaaring tanggalin siya s puwesto bilang bise presidente at tuluyang ideklarang “hindi kuwalipikado” na lumahok sa 2028.
Tanging si Misfit Sara pa lang ang nagpahayag na tatakbo sa 2028. Sa mga survey, pinaboran si Misfit Sara ng mga respondent at nanguna sa mga ilang kandidato tulad ni Leni, Raffy, at iba pa na pawang hindi nagpahayag ng kahandaan na sumabak sa 2028.
***
TANGING si Risa Hontiveros ang nagpahayag ng kahandaan na sumabak sa 2028. Sumabak sa 2028 kung hihingin at hihirangin ng demokratikong puwersa. Hindi siya ang pulitikong pakipot sa mungkahi na pumalaot sa halalang pampanguluhan sa 2028. Handa ang sarili sa nominasyon ng puwersang demokratiko sa 2028. Hindi kailangan pilitin. Hindi kailangan ang sulsol at buyo.
Para kay Risa, kailangan magkasundo ang puwersang demokratiko sa 2028. Isa lang ang dapat maging kandidato ng puwersang demokratiko kung nais nitong magbigay ng magandang laban kontra sa puwersa ng kadiliman na kinakatawan ang Inferior Davao Group. Hindi nanaisin ni Risa na makipag-unahan sa ibang kandidato ng puwersang demokratiko.
“Risa na.” Ito ang taguri sa kilusan pulitikal na maglulunsad sa kandidatura ni Risa sa halalang pampanguluhan sa 2028. Hindi pa lang ito nabibigyan ng kaukulang pansin dahil abala pa ang maraming nilalang sa kasalukuyang political dynamics sa Senado kung saan marami ang kumukuwestiyon sa liderato ni Alan Peter Cawatano at asal ng ilang senador tulad ni Rodente Marcoleta, Camoteng Robin Padilla, at Fake News Imee Marcos. Nahaharap rin ang Senado sa matinding dynamics dahil lilitisin nito bilang impeachment court si Misfit Sara.
Habang nagbabangayan ang maraming senador at iba pang pulitiko, gumagalaw ang mga kapanalig ni Risa sa susunod na political dynamics kung saan magkakalantaran ng ng baraha kung sino ang lalahok sa 2028. Kilusang taktikal ito. Malinaw ang estratehiya na sumabak si Risa sa 2028. Hindi maaaring walang lumahok sa puwersang demokratiko na kinakatawan ng Lapiang Akbayan, Magdalo, Lapiang Liberal, at iba pa sa puwersang demokratiko.
***
HINDI kami payag sa mungkahi ni Kokok Pimentel kay Cawatano na bitawan ang poder bilang pangulo ng Senado. Hayok sa poder si Cawatano. Hindi ito bababa kung batid ni Kokok. Kapit-tuko. Pinakamaganda at pinakamabisa na sipain na lang si Cawatano. Malalaman iyan sa sesyon plenaryo ng Senado sa Lunes, ika-1 ng Hunyo.
Malinaw ang posisyon ng Minority Bloc. Kandidato nila si Sherwin Gatchalian na pumalit kay Cawatano. Mas disente at malinaw mag-isip si Sherwin. Tuluyang babagsak ang imahe publiko ng Senado kung mananatili si Cawatano. Magkakahati-hati lang ang bansa dahil kay Cawatano. Hindi ito babangon sa putik ng kawalang pag-asa.
Maugong na may mga senador mula sa Majority Bloc na nakatakdang lumipat sa Minority Bloc upang ihalal si Sherwin bilang kapalit ni Cawatano. Hindi na maraming usapan. Magkakaroon ng balasahan sa Senado kung saan mapapalitan ang mga senador sa mahahalagang puwesto. Kasama diyan ang mga senador na haharap sa akusasyon ng plunder at may arrest warrant sa ICC lalo na si Bato at Bong Go.
***
NOONG Sabado pinag-usapan namin si Bong Go bilang kapalit ni Misfit Sara bilang kandidato ng Inferior Davao Group sa 2028. Malamig ang ulo, hindi kontrobersyal, at hindi masalita si Bong Go. Hindi siya tulad ni Misfit Sara na may napakaraming kaaway. Mayroon rin siyang mahiwagang bilyones na maaaring gamitin at isalya sa sandaling tumakbo siya sa 2028.
Ngunit… Ngunit maraming bagahe si Bong Go. Pinakamabigat na bagahe ang arrest warrant na maaaring bumaba mula sa International Criminal Court (ICC) . Matindi ang ugong na bumaba na ang arrest warrant mula ICC at maaari siyang damputin at ibiyahe papuntang The Hague upang harapin ang sakdal na co-pepetrator siya ni Gongdi sa sakdal na crimes against humanity. Hindi siya magiging pangulo ng bansa kundi magiging yaya siya ni Gongdi.
Kung dalhin sa kulungan ng ICC si Bong Go, siya ang magiging tagapangalaga ni Gongdi don na nabalitang hinihimatay doon. Siya ang maging tagaluto, tagalaba, at tagapalit ng adult diaper ni Gongdi. Bilyonaryo si Bong Go pero hindi niya ma-enjoy ang napakalaking salapi na kanyang sikretong pag-aari. Sino ang matutuwa sa pagiging atsoy?