Advertisers
IMPOSIBLENG masasawata pa ang mga ilegal na pasugalan sa lalawigan ni Cavite Gov. Gabriel “Abeng” Remulla, lalo na ang malapit sa Cavite State University (CSU) sa Indang,Cavite na kinalolokohan ng maraming estudyante na di lamang sugal ang pang engganyo kundi maging ang ipinagbabawal na droga.
Mismong sa harap ng Cavite State University, Indang,Cavite ay nakahambalang ang mga ilegal na pasugalan sa kunwari ay karnabal na inilatag ng isang ex-convict na si alyas Boy No Life at ng dyowa nitong si alyas Eve.
Ang dalawa na kapwa kilala sa larangan ng “industriya ng ilegal na may droga” ay nagmamalaking “pasok” sila sa bata-bata ni Cavite PNP OIC Provincial Director Col. Ariel Red na isang alyas Hero at Maricon.

Ang mag-partner na sina alyas Hero at Maricon ay di lamang nagpapanggap na “encargado” ni Col. Ariel Red kundi maging ng tanggapan ni PNP Region 4A Director BGen. Hansel Marantan.
Hindi lamang “kapustahan” o police tong collector ng opisina nina Gen. Marantan at Col. Red ang pakilala nina alyas Hero at Maricon, kundi operator ng sakla sa ibat ibang bayan at siyudad sa Cavite.
Kasosyo ang dalawa sa mga saklaan na matatagpuan sa bayan ng Alfonso na pinopostehan ng isang alyas Bacion na kilala din sa alyas Francis; sa Indang ni Dencio at Alma; sa Silang ni alyas Sgt. Atas; Naic ng kapatid ni Maricon; Noveleta ni Eric; sa mga bayan ng Maragondon, Ternate, Baylen, Magallanes, Cavite City, Bacoor City at Dasmariñas City ni alyas Jun Toto na operator ng bookies, Ez 2, Pick 3 at online gambling.
Ultimong sa mga lisensyadong cockpit ay may pasakla din sina alyas Hero at Maricon na ang isinasangkalan ay ang mga pangalan ng mga tanggapan ni Gen. Marantan at Col. Red. May dalawang taon na ang operasyon ng saklaan sa Cavite ngunit di naaksyunan ng mga naupong RD, PD, police chief at LGUs.
May ilang buwan nang nag-ooperate ng mga ilegal na color games, drop balls, cara y cruz ( Tao-Ibon), beto-beto at ibat ibang uri ng bawal na card at table games sina alyas Boy No Life at Eve sa tapat ng Cavite State University sa Indang, ngunit binabalewala lamang ito ng mga opisyales ng naturang unibersidad, ni Indang Mayor Vergel Fidel, Vice Mayor Ferdi Papa at Indang Police Chief Major Ian Jasper M. Montoya.
May umuugong na balita sa sirkulo ng mga gambling operator at kapulisan sa CALABARZON na kasosyo ang isang mataas na opisyal ng CSU sa Cavite sa mga naturang pasugalan. Lingguhang binibisita sa Don Severino Delas Alas Campus ng magdyowang gambling den operator na sina alyas Boy No Life at Eve ang opisina ng isang opisyal ng unibersidad.
Ipinagbabanduhan ng magdyowang ilegalista na kilala ding notorious na drug pusher na may lingguhan silang “regalo” na tig Php 50K sa opisina nina Col. Red at alyas Prof ng CSU. Pasok din ang dalawa sa lingguhang Php 100K sa tanggapan ng PNP Region 4A at Php 30K sa opisina ng R2 na personal na kinokolekta nina alyas Hero at Maricon.
Humigit-kumulang sa 45,000 ang mga estudyante ng naturang pamantasan at karamihan o ilan sa mga ito ay nagugumon di lamang sa sugal kundi sa paggamit ng shabu na inilalako ng mga empleyado at batos sa pasugalan nina alyas Boy No Life at Eve.
Panawagan ng mga apektadong magulang kina DILG Secretary Jonvic Remulla, PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at BGen. Marantan, aksyunan ang mga naturang iligal! May karugtong.
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144