Advertisers
By Beth Gelena
Sa interview ni MJ Felipe kay Vice Ganda para sa TFC show, Are You G?, sinabi ng It’s Showtime host na minsan ay nangarap siyang tumira sa isang malaking bahay na natupad naman.
Pero, ngayon ay naisip niyang maging praktikal na sa buhay.
“Nagbago na ‘yung trip ko. Gusto ko ng mas maliit na bahay. Gusto ko na ng mas simple lang. Gusto ko ng kulay puting buhay. Dati ayaw ko ng puting bahay gusto ko dark siya,” deklara ng Unkabogable Superstar.
Nang tanungin si Meme kung ano ang nakapagbabago ng kanyang isip.
“Siguro ‘yung state of mind, ‘yung sensibilities mo nag-iiba habang tumatanda ka di ba?Siyempre nung walang-wala ka, ang dream mo malaking-malaki. Ganun ako dati lalo nung bata pa ako, malala akong mangarap. Malala ‘yung mga goals ko.”
Ngayong na-achieve na ni Vice ang dating pinapangarap lamang, ibig naman daw niyang bumalik sa basic.
“Tapos siyempre ang sarap sa pakiramdam na na-achieve mo ‘yun pero pagkatapos ng lahat, babalik at babalik ka sa basic eh. Okay na na-achieve ko na ‘to, narasan ko na. Gusto ko ‘yung mas simple, mas nagkikita kami ng mga gusto kong makita sa bahay. Hindi ‘yung ‘pag dalawa lang kami ni Ion hahanapin ko siya sa bahay,” lahad ni Meme.
“Sabi ko kay Ion, ‘Alam mo ang laki nito para sa ating dalawa, napapagod ako,’ sabi kong ganun.. sabi ko dapat mas maliit na lang bahay ‘yung natin para hindi tayo nagtataguan.”
Naisip din niya na ang laki ng maintenance kapag malaki ang bahay.
“Magastos, ang hirap niyang i-maintain. Siyempre ang hirap ma-maintain ng bahay. Konting kebot meron kang mapapanasin, may sasablay… At tsaka ‘yung mga tubo tubo, may tutulong ganyan. Sabi ko hindi na natapos.”
Patuloy pa niya, “Lahat ng nagpagawa ng bahay alam kong nauunawaan nila ‘yun na hindi natatapos ang pagpapagawa. Akala ko dati lang iyon, ‘yung pucho-pucho ‘yung bahay namin pag-uulan, may tutulo, may magle-leak, ganyan. Hindi pala, kahit parang feeling mo ang tino nung bahay mo, may nasisira.”