Advertisers

Advertisers

Sa MWPs, walang tagong ligtas sa QCPD

0 19

Advertisers

Walang pinipiling oras ang pagpapatupad ng batas. Ito ang pinatunayan ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng pamumuno ni District Director PBGEN RANDY GLENN SILVIO, matapos maaresto ang walong Most Wanted Persons sa lungsod, kabilang ang apat na itinuturing na District Level Most Wanted.

Sa magkakahiwalay na ikinasang operasyon ng iba’t ibang istasyon at yunit ng QCPD, matagumpay na binitbit ang mga suspek na may mga nakabinbing Warrant of Arrest (WOA) sa korte.

Unang bumagsak sa kamay ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa pamumuno ni PLt Col Edison Ouano, ang apat na District Level Most Wanted Persons na kinilalang sina alyas “Justine,” 31; alyas “Mark,” 32; alyas “Wilfredo,” 38; at alyas “Daryll,” 34.

Sila ay sabay-sabay na naaresto bandang alas-4:00 ng hapon nitong Hunyo 15, 2026 sa kani-kanilang tirahan sa Brgy. Sikatuna Village, Quezon City. Ang apat ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o ang “New Anti-Carnapping Act of 2016” na inisyu ng Branch 228 ng Regional Trial Court (RTC) Quezon City.

Hindi naman umubra ang pagtatago ng No. 1 MWP ng La Loma Police Station (PS 1) na pinamumunuan ni PLt Col. Jose Luis Aguirre. Sa pakikipagtulungan sa Bauang Municipal Police Station, natunton at naaresto Nitong Hunyo 16, 2026 si alyas “Reymark,” 26, sa kanyang bahay sa Brgy. Cabalayangan, Bauang, La Union. May warrant ito para sa limang counts ng sexual assault mula sa Branch 13 ng Family Court ng QC, at may mga nauna na ring rekord ng katulad na paglabag noong Agosto 2025.

Sa Sorsogon naman, minalas naman ang No. 2 MWP ng Masambong Police Station (PS 2) sa ilalim ni PLt Col. Rolando Baula. Nitong Hunyo 15, naaresto ng tropang PS2 si alyas “Gerald,” 29, sa Brgy. Buraburan, Juban, Sorsogon para sa dalawang (2) counts ng kasong panggagahasa – ang warrant ay mula sa Branch 225 ng RTC QC. Si Gerald ay nasangkot na rin sa mga kasong reckless imprudence noong 2017 at rape noong 2019.

Samantala, hinainan naman ng karagdagang warrant sa loob mismo ng selda ng Fairview Police Station (PS 5) sa pamumuno ni PLt Col. Albert Jefferson Relente ang kanilang No. 9 MWP na si alyas “Lawrence,” 48, residente ng Brgy. North Fairview. Ang warrant para sa paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ay nagmula sa Branch 82 ng RTC QC. Sa rekord ng pulisya, siya ay paulit-ulit na nasangkot sa droga noong 2018, 2023, at nitong Mayo 2026 habang naaresto naman sa Brgy. Krus na Ligas ng Anonas Police Station (PS 9) sa pamumuno ni PLt Col. Leonie Dela Cruz ang kanilang No. 7 MWP na si alyas “Royen,” 27, nitong Hunyo 15 dahil din sa kasong may kinalaman sa iligal na droga (R.A. 9165) sa ilalim ng Branch 227 ng RTC QC.

Nito naman Linggo, Hunyo 14, siyam na tirador ng kable ang nadakip nang maaktuhan sa pagnanakaw ng mga telecommunications cable sa Commonwealth Avenue, Barangay Matandang Balara, Quezon City.

Sa ulat ni P/Lt. Col. Gemmer Tubiera, hepe ng Batasan Police (PS 6), alas-4:00 ng madaling araw nang nagsasagawa ng mobile patrol operations ang kaniyang mga tauhan nang namataan ang mga suspek na pinuputol at tinatanggal ang mga underground copper telecommunications cables na pag-aari ng PLDT Inc.

Nang lapitan ng mga awtoridad ang mga suspek, nagtakbuhan ang mga ito pero nasakote din ang siyam.

Nasamsam sa mga suspek ang 1,500 pares ng 26-gauge PLDT FSF underground copper cables na nagkakahalaga ng P163,852.25, kasama ang mga kasangkapan na ginamit sa pagputol ng mga kable.

“Ipinapaabot ko ang aking mataas na pagkilala sa dedikasyon at propesyunalismo ng ating mga tauhan na naging susi sa matagumpay na paghuli sa mga wanted na itong nagtatago sa batas at sa pagkakaaresto ng siyam na kawatan. Ang operasyong ito ay patunay ng ating seryosong pagpapatupad ng batas at sa pagpapanatili ng kaligtasan ng ating publiko,” pahayag ni Silvio.

Kaya sa mga MWPs, saan man kayo magtago – probinsiya man o sabihin natin sa pinakasulot ng bansa, abot-kamay kayo ng QCPD. Kaya mas mabuti pa’y sumuko na lang kayo – sa karsel, safe kayo dahil may bantay kayo. Hehehe…