Advertisers
By Anne Venancio
Emosyonal ang aktor na si Ruru Madrid sa kanyang pagbabalik sa set para sa bagong Kapuso series na “Hari ng Tondo,” kung saan muli niyang makakasama si Dennis Trillo.
Ayon kay Ruru, espesyal ang kanilang unang araw ng taping dahil ito rin ang unang eksena kung saan magkakaharap ang kanilang mga karakter sa serye. Nagbalik sa kanyang alaala ang mga nakaraang proyektong pinagsamahan nila, kabilang ang mga eksenang kinunan sa dating Quezon City Jail.
Malaking inspirasyon niya si Dennis pagdating sa propesyonalismo at dedikasyon sa trabaho. Hinahangaan niya ang kakayahan ng beteranong aktor na sabay na humawak ng iba’t ibang proyekto nang hindi naaapektuhan ang kalidad ng pagganap.
Dahil dito, mas lalo umanong napapalakas ang kanyang motibasyon na pagbutihin pa ang sarili at harapin ang mas mabibigat na papel sa kanyang karera.
Inihayag din ni Ruru na isa sa pinakamadilim at pinakamabigat na karakter na kanyang nagampanan ang papel niya sa nasabing serye.
Bukod sa trabaho, ibinahagi rin ng aktor ang kanyang kasiyahan para sa kapatid na si Rere Madrid matapos itong ikasal sa basketbolistang si Kai Sotto.
Makakasama nina Ruru at Dennis sa “Hari ng Tondo” sina Rocco Nacino, Ryza Cenon, Ysabel Ortega, Elle Villanueva, Arra San Agustin, Heath Jornales, Gary Estrada, Victor Neri, at Nonie Buencamino, sa direksyon ni Enzo Williams.