Advertisers
“Nitong mga nakaraang araw, naging malinaw para sa atin na dapat nang repasuhin at suriin nang mas malalim ang Juvenile Justice and Welfare Act. Hindi lamang yung mga probisyon nito, kundi yung implementasyon at on-ground application nito na nakakaapekto sa buhay at kalayaan ng mga kabataan.”
Ito ang pahayag ni Senator Erwin Tulfo, Chairman of Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, kasabay ng pagbibigay-diin na panahon na upang isulong na ang mga polisiya at programa na di lang magiging ‘reactive’ kapag may nabiktima na, kundi magiging ‘proactive’ sa paggabay sa ating kabataan upang di na sila maligaw ng landas.
Habang tingin ng ilan ay napapanahon na para babaan na ang edad ng criminal liability ng mga kabataang nagkakasala tulad ng mga sangkot sa pamamaril sa Tacloban, Leyte, mayroon din naman umanong mga nagsasabi tulad ng mga child psychologists at social workers, na ang problema ay ang pagpapatupad ng batas at sa pagpapalaki ng mga magulang sa mga bata at ang komunidad na kanilang kinabibilangan.
Ayon kay Sen. Erwin, patuloy ang konsultasyon ng kanyang tanggapan sa mga criminal law experts, law enforcement, juvenile justice experts at maging sa mga social welfare agencies and groups.
“Kailangan nating tapat na sagutin: Dapat na nga ba ibaba ang age of criminal liability? Effective ba ang implementasyon ng batas na ito para sa pagbalanse ng rehabilitation ng mga batang nagkasala at ng seguridad ng mga komunidad? May mga sapat bang pasilidad ang pamahalaan para maisakatuparan yung mithiin ng batas?,” aniya.
“Hindi po maiiwasan na sa mga ganitong kasensitibong usapin ay magkakaiba tayo ng pananaw. Pero ito na po ang panahon para magkaisa ang lahat ng sektor. Kailangan na ng totoong solusyon,” dagdag pa ng Senador. (JERRY S. TAN)