Advertisers
By Anne Venancio
Ikinuwento ni Coco Martin ang masalimuot na karanasan niya noong bata pa siya na puno ng takot, sigalot sa pamilya, at emosyonal na paghihirap na humubog sa kanya para magtagumpay.
Sa podcast na “Unshaken with Gary V: Stories of Grit and Grace,” inalala ni Coco ang buhay nila bilang isang “broken family” kung saan gabi-gabi ay puno ng kaba at walang katahimikan ang kanilang tahanan dahil sa problema sa pagitan ng kanyang mga magulang.
Aminado ang aktor na malaki ang naging epekto nito sa kanyang pagkabata, lalo na sa kanyang kakayahang magsalita at magpahayag ng damdamin sa paaralan. Dumating pa sa punto na nahirapan siyang mag-recite dahil sa trauma, hanggang sa tulungan siya ng isang guro na unti-unting maipahayag ang kanyang sarili.
“Parang doon ako unti-unting gumaan… nakapagsalita na ako,” kwento nito.
Sa kabila ng sakit na pinagdaanan, pinili ni Coco na huwag magkimkim ng galit, lalo na sa kanyang ama, at sa halip ay mas pinairal ang pang-unawa at pagpapatawad. Mula rito, nabuo ang kanyang pangako na bumuo ng mas maayos na buhay para sa kanyang magiging pamilya at mga kapatid.
Ibinahagi rin niya kung paano siya naging mas expressive ngayon bilang tao, mula sa pagiging mahiyain noon, ngayo’y hindi na siya natatakot magpakita ng pagmamahal sa iba.
Para kay Coco, ang mga pinagdaanan niya ang nagtulak sa kanya upang magsikap, makatapos ng pag-aaral, at maiangat ang buhay ng kanyang pamilya.
Sa ngayon, matagumpay na aktor, direktor at prodyuser na si Coco at aktibo ulit sa primetime serye na “Sigabo”, kasama si Julia Montes na agad umani ng mahigit 404,000 concurrent viewers sa online premiere nito.