Advertisers
DAHIL sa hindi pagbibigay ng serbisyo sa mga commuters naglabas na ng show cause order ang Department of Transportation, sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa 34 na operator ng public utility vehicles (PUVs) na hindi dumaan sa kanilang ruta at sa halip ay nakita sa mga rally sites sa Quezon City.
Kaugnay nito kasama sa mga SCO na inisyu ng LTFRB ang mga operator ng mga unit na kinabibilangan ng mga bus at UV Express.
Bagama’t ganap na iginagalang ng LTFRB ang karapatan ng bawat tao na makiisa sa kilos-protesta sa mga hinaing, sinabi ng ahensya na may ilang salik na dapat ding isaalang-alang, lalo na sa interes ng publiko.
Sa kaso ng mga operator, ipinaliwanag ng LTFRB na apektado nito ang ilang commuters na umaasa sa serbisyo ng PUV operators.
Kaugnay nito sa SCO, sinabi ng LTFRB na ang desisyon ng mga operator na huwag mag-operate noong Martes ay nakaapekto sa pagkakaroon ng serbisyo ng pampublikong transportasyon sa riding public.
Ito, aniya, ay paglabag sa Paragraph 3 ng Memorandum Circular No. 2011-004.
Samantala hiniling sa 34 na operator na ipaliwanag sa nakasulat na notarized kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang permit to operate nito.
Itinakda sa Hulyo 9 ang pagdinig para sa kaso. (Boy Celario)