Advertisers
NAGSUMITE na ang mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ng pansamantalang listahan ng mga testigong ihaharap laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Gumamit lamang ng mga alyas ang prosekusyon upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga testigo, at inaasahang madaragdagan pa ang listahan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon bago isumite ang pinal na talaan sa Agosto 31.
Ayon sa ICC, tinatayang nasa 60 hanggang 70 testigo ang ihaharap, kabilang ang mga insider witnesses, crime-base witnesses, at mga magbibigay ng konteksto sa kaso.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity dahil sa umano’y pagpatay sa 78 katao kaugnay ng kampanya kontra droga.
Nakatakda ang pormal na paglilitis sa Nobyembre 30, 2026, at inaatasan siyang personal na dumalo, habang nananatili siyang nakadetine sa ICC mula pa noong Marso 2025.